PH to avoid armed conflict with China

Posted at Apr 30 2012 09:59 PM | Updated as of May 01 2012 05:59 AM

Sa ika-20 araw na standoff ng China at Pilipinas sa Scarborough o Panatag Shoal sa Zambales, tuloy ang pagdagdag ng mga barko at fishing vessels sa lugar. May 10 barko ang China habang lima naman sa panig ng Pilipinas.

Noong isang linggo lamang pinahagingan ng China ang dalawang barko ng bansa, bagay na muling irereklamo ng DFA sa Chinese authorities dahil hindi pa sila nagpapaliwanag hanggang ngayon.

“Fortunately, no one was injured and neither of ships was damaged, pero naalog talaga ating dalawang barko. Delikado ito para sa mga tao doon," sabi ni Assistant Secretary Raul Hernandez, DFA spokesperson.

Pero hindi lang ang Pilipinas ang nakararanas ng 'di pagkakaunawaan laban sa China. Siyam na Tsino ang hinuli ng South Korea dahil sa iligal na pangingisda nito sa lugar na may layong 72 kilometro lang mula sa Heuksan Island na teritoryo ng South Korea.

Ayon sa DND, dapat iwasan ng bansa ang anumang armadong kumprontasyon laban sa China.

“We maintain the peaceful initiatives at nagkakaintindihan naman tayo na wala namang may gusto ng anything other than resolving this issue peacefully,” ani Peter Galvez, spokesman ng DND.

Bukod sa posibleng pagkawala ng buhay, apektado rin ang lahat ng aspeto ng lipunan sakaling umabot sa armadong komprontasyon ang isyu.

Nito lamang Sabado, isinulong ni Major General Luo Yuan ng People's Liberation Army na magsagawa ng decisive action laban sa Pilipinas. Sinabi ni Gen. Luo Yuan na 'di dapat isantabi ng China ang war at all costs para protektahan ang kanilang interes.

Pero naniniwala ang DND na isa lamang itong opinyon ni Gen. Luo Yuan at hindi opisyal na polisiya ng gobyerno ng China. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino