Gov’t officials file SALN early

Posted at Apr 30 2012 10:22 PM | Updated as of May 01 2012 06:22 AM

Pangunahing hinimay sa impeachment trial ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Chief Justice Renato Corona.

Kung mayroon man itong positibong epekto sa mga kawani ng gobyerno, napaaga ang kanilang paghahain ng SALN gaya ng mga kongresista.

Abril 30 ang deadline sa paghahain ng SALN ayon sa batas.

“I was informed na mayroon ng 100% compliance... hindi na nila hinintay ang last day ng filing, which is today,” sabi ni Atty. Artemio Adasa, House deputy secretary general.

Pero ang tanong ay kung tama ang nilalaman ng mga SALN.

Sabi ni Adasa, hindi pa puwedeng isapubliko ang detalyadong SALN ng mga kongresista hangga't hindi ito natitignan ng review committee sa loob ng 10 araw.

Bibigyan daw ng tsansa ang mga mambabatas na itama ang SALN sakaling may problema.

“Sa experience natin, may mga discussions kung ano ba ang acquisition cost and assessed value. These are things na makikita sa review,” sabi ni Adasa.

Ganito rin daw ang kalakaran sa iba pang sangay ng gobyerno.

Sa Senado, inilabas na ang SALN ng lahat ng mga senador. Pinakamayaman pa rin si Senador Manny Villar.

Sa Malacañang, inanunsyo ng Palasyo na noon pang Abril 24 nagsumite ng kanyang SALN si Pangulong Benigno Aquino III sa tanggapan ng Ombudsman.

Nagdeklara rin daw ng kanilang kayamanan ang mga miyembro ng Gabinete.

Hinamon naman ng Palasyo si Corona na isapubliko na ang kaniyang SALN. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino