Merci quits post on eve of Senate trial

Posted at Apr 29 2011 10:22 PM | Updated as of Apr 30 2011 09:46 AM

Matapos magmatigas sa kanyang puwesto at piliing sumailalim sa impeachment trial, marami ang nagulat nang biglang nagbago ngayon ang desisyon ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.

“I personally went to Malacañang to meet with our President, His Excellency Benigno Aquino III, to tender my resignation,” sabi ni Gutierrez.

Sabi ni Gutierrez, wala sa katauhan niya ang umurong sa laban, pero sa dami ng batikos na inabot niya, naisip niyang hindi ito matatapos kahit pa matuloy ang impeachment trial.

“By tendering my resignation effective May 6, 2011, I hope we can now all focus on the impelling problems of our people rather than expending so much time, effort and resources to remove me from public office,” sabi ni Gutierrez.

Aminado si Gutierrez na ilang linggo na niyang pinag-iisipan ang pagbibitiw.

Ayon pa sa sources ng ABS-CBN, nag-resign si Gutierrez para protektahan ang kanyang inang may sakit at labis na apektado sa mga paninirang inaabot niya.

“As a government official, I must place first and foremost the interests of the nation, the interest of my office and as a mother and wife, my family,” ani Gutierrez.

Umaasa si Gutierrez na mawawala na ngayon ang mga alegasyong pinoprotektahan niya si dating Pangulong Arroyo.

“While I acknowledge with deep gratitude the opportunity given me by former President Gloria Arroyo, my undivided loyalty always was, is, and will forever remain to the Constitution and the Filipino people,” sabi ni Gutierrez.

Naging emosyonal naman ang ilang empleyado ng Ombudsman.

“She was like a mother to us. She looks at out welfare, kung ano ang mabuti para sa mga empleyado niya,” sabi ni Gloria Morales.

“Nalulungkot kami dito sa opisina but I think ‘yon ang pinagdasal niya, na i-guide siya,” sabi ni Atty. Robert Kallos, deputy special prosecutor.

Sa kabila ng kanyang pagbibitiw, umani pa ng batikos si Gutierrez.

Marami ang tanong kaugnay sa mga malalaking kasong kanyang iniwan ang wala pa ring kasagutan.

Iginagalang naman ng kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang ginawang pagbibitiw ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Ayon kay Len Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo, nauunawaan nila ang matinding pressure kay Gutierrez matapos na maisalang sa trial by publicity.

Batid diumano nila ang epekto nito sa kanyang pamilya, mga kaibigan at sa mismong Ombudsman kaya nirerespeto nila ang naging desisyon niya. Sheryll Mundo, Patrol ng Pilipino