Lapid, solons probed over fertilizer fund scam

Posted at Apr 28 2011 11:08 PM | Updated as of Apr 29 2011 09:30 AM

Sa listahan na ginawa ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante at dating Acting Secretary Ibarra Poliquit, inisa-isa ang mga nabigyan ng fertilizer fund noong election year ng 2004.

Limang milyon ang napunta sa probinsiya ng noo’y Pampanga governor at ngayo'y Senador na si Lito Lapid.

Nabigyan din ng ilang milyong piso ang congressional district ng Aklan, Biliran, Bohol, Camarines Norte, Masbate, Negros Oriental, Romblon, Siquijor at Iloilo at ilang bayan sa Isabela.

Iniimbestigahan ngayon ng Ombudsman kung saan nadala nina Lapid at 11 mambabatas ang naibigay na pondo.

Inamin naman ni Lapid na tumanggap ng pondo ang Pampanga, pero nakarating daw ito sa mga farmer beneficiaries at nasuri naman ng Commission on Audit.

Nasa listahan din ang lalawigan ng Tarlac kung saan kongresista noon si Pangulong Benigno Aquino III; ang Batanes na distrito ng ngayo’y Budget Secretary Butch Abad; at Western Samar na dating distrito ni Supreme Court Associate Justice Eduardo Nachura.

Inabsuwelto naman sila ng Ombudsman dahil hindi sila aktuwal na nabigyan ng bahagi ng fertilizer fund. Sheryll Mundo, Patrol ng Pilipino