Iglesia ni Cristo casts support for RH bill

Posted at Apr 26 2011 12:10 AM | Updated as of Apr 26 2011 09:36 AM

Gamitan ng karisma—ito ang opensibang panukala ni Jose Cardinal Sanchez para makumbinsi ng mga obispo ang mga mambabatas na ibasura ang RH bill at ang iba pang bersyon nito.

Wala namang nakikitang masama rito si Archbishop Emeritus Oscar Cruz.

"Ang charm offensive is hindi confrontational. Ito'y siguradong usapan, maginoo at mahinahon," ani Cruz. "I think that's what Cardinal Sanchez has in mind."

Kaysa mang-away mula sa pulpito, pabor din sa charm offensive ang mga tagasuporta ng RH bill pero duda sila kung uubra pa ito.

Ani Dr. Esperanza Cabral, dating Health Secretary: "Kung charm ang pag-uusapan, mas charming naman si Risa (Hontiveros) kaysa sa kanila."

"There are, before the recess, at least 100 authors in the House. Bukod pa doon ang hindi authors pero sinabing boboto sila ng 'yes' sa bill," dagdag ni Hontiveros.

Habang agresibong nilalabanan ng Simbahang Katoliko ang RH bill, nakahanap naman ng tagasuporta ang mga pro-RH mula sa Iglesia ni Cristo (INC).

Kilala ang relihiyon sa pag-deliver ng solid vote tuwing halalan.

Sa liham ni INC Executive Minister Eduardo Manalo sa Kamara noong October 2010, nanindigan ang grupo makakatulong ang RH bill sa paglutas sa maraming problema sa bansa.

Dahil sa suporta ng Pangulo, naniniwala ang mga sumusuporta sa RH Bill na maipapasa ito ngayong taon.

Handa raw matalo ang Simbahan sa laban, pero nanindigan itong hindi susuko hanggang sa huli.

Maipasa at maisabatas man ang RH bill  na nagsusulong ng contraceptive policy, patuloy na ilalaban ng Simbahan ang natural na pagplaplano ng pamilya. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino