ABS-CBN News

SC affirms land distribution for Luisita farmers

Posted at | Updated as of 04/25/12 12:48 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Unanimous ang desisyon ng Korte Suprema para ipamahagi na ang halos 5,000 ektaryang lupang sakahan ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka.

Kasama sa bumoto si Chief Justice Renato Corona na hindi pumayag mag-inhibit sa kaso sa kabila ng ilang panawagan.

Hindi rin nasunod ang kagustuhan ng asyenda na umabot sana sa P5 bilyon ang ibabayad sa kanila kapalit ng lupa.

Anim na taon nang nakabinbin sa Korte Suprema ang kaso ng Hacienda Luisita.

Kanina, pinal na ang desisyon na ibinaba para ipamahagi sa higit 6,000 magsasaka ang asyenda na pagmamay-ari ng mga kamag-anak ni Pangulong Noynoy Aquino.

May 14 sa 15 mahistrado, kasama si Corona, ang bomoto.

“Si Justice Carpio po ay nag-inhibit noon pa man. Ang total land distribution, 14-0 po iyon,” sabi ni Atty. Midas Marquez, tagapagsalita ng Korte Suprema.

Sa botong 8-6, ibinasura rin ng Korte Suprema ang hiling ng Hacienda Luisita na ibase sa 2006 na presyuhan ang ibabayad sa Hacienda Luisita Inc. (HLI) bilang just compensation kapalit ng lupa.

Kung nasunod ang hiling ng HLI, aabot sa P5 bilyon ang presyo ng lupa.

Pero dahil bumoto ang mayorya na gamitin ang presyuhan noong 1989, higit na mababa o P196 million lamang ang babayaran ng mga magsasaka.

Natalo ang boto ng anim na mahistrado na gusto sana na isang Special Agrarian Court pa ang magdesisyon sa ibabayad sa Luisita.

Ayon naman sa tagapagsalita ng asyenda, irerespeto nila ang desisyon ng Korte Suprema.

“The Supreme Court has spoken and if that is the guideline as to the determination for just compensation, we'll abide and do whatever is required from HLI, " sabi ni Atty. Antonio Ligon, tagapagsalita ng HLI.

Hinihintay naman ng mga magsasaka ang desisyon ng Supreme Court tungkol sa bahagi nila sa P1.3 bilyong kita sa benta ng 500 ektarya ng lupain na ginawang commercial land.

Mapapaloob iyan sa written decision na ilalabas bukas.

Base kasi sa naunang dalawang desisyon noong 2011, may makukuha rin ang mga magsasaka sa kinita ng asyenda.