More Pinoy workers expected in a decade

Posted at Apr 19 2012 11:30 PM | Updated as of Apr 20 2012 07:30 AM

Sa loob lang ng lima hanggang 10 taon ay lalaki ang labor force ng Pilipinas.

Lumalabas sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mahigit isa sa bawat limang miyembro ng isang pamilya o 21 percent ay may edad lima hanggang 14.

Makalipas ang halos isang dekada ay maaari na silang maghanapbuhay at kumita ng pera. Ang mga magre-retire naman ay bumubuo lamang ng 6.9 percent.

“’Yung tinatawag nating dependency ratio ay in fact bumababa pa. Sa ibang bansa, lumalaki ‘yung dependency,” sabi ni Diwa Guinigundo, deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Magandang balita ito para sa ekonomistang si Dr. Vic Abola. Malaking lamang daw para sa ekonomiya ng Pilipinas ang malaking henerasyong puwedeng magtrabaho.

“Hindi naman lahat siguro makakakita ng trabaho dito. Tingnan naman natin sa labas, sa east Asia, sa neighboring countries natin. Shortage na ngayon ng labor force diyan,” ani Abola.

Si Charlene, incoming college student pero ngayon pa lang ay kumpyansa nang makakahanap siya ng trabaho makalipas ang limang taon.

“Kung tatamad-tamad naman, wala ding mangyayari,” sabi ni Charlene.

Pero iba ang tono ng grupong Kabataan. Kanina, sinugod nila ang opisina ng Department of Labor and Employment. Sa dami raw ng mga aplikante ngayon, napakahirap maghanap ng trabaho.

Ngayong taon lang mahigit kalahating milyong Pilipino ang ga-graduate mula sa college. Marami sa kanila ay first time magja-job hunting at posibleng mapasama sa mahabang listahan ng mga Pilipinong walang trabaho.

Pero ayon sa DOLE, hindi kulang ang trabaho.

“Ang problema natin na tinututukan ay iyong mismatch. ‘Yung angdaming trabaho, walang nagka-qualify,” ani Nicon Fameronag, direktor ng DOLE Communications Office.

Dito mahalaga ang pakikipag-ugnayan ng DOLE sa DepEd at CHED. Dapat daw kasi, habang maaga ay masigurong akma ang mga kukuning kurso sa mga trabahong in demand. Jenny Reyes, Patrol ng Pilipino