EXCL: Administrative raps recommended for BuCor chief

Posted at Apr 19 2012 11:16 PM | Updated as of Apr 20 2012 07:18 AM

Mahigit isang buwan na mula nang mangako si Justice Secretary Leila de Lima na iimbestigahan ang ibinunyag sa ABS-CBN ng isang empleyado ng Bureau of Corrections kaugnay sa umano'y mga anomalya sa pagpapalakad ng New Bilibid Prisons.

Kabilang dito ang pag-iwas sa bidding, ang VIP treatment sa mayayamang inmates, at iba pang mga kuwestyonableng transaksyon.

Pero ayon sa presidente ng Whistleblowers' Association na si Sandra Cam, may resulta na ang imbestigasyon.

Inirerekomenda ng DOJ fact-finding panel ang pagpataw ng administrative charges kay BuCor chief Gaudencio Pangilinan at iba pang opisyal ng BuCor kabilang na ang kanyang chief of staff at mga miyembro ng Bids and Awards Committee dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, at gross insubordination.

Pinaiimbestigahan na rin kung may basehan para sampahan ng kasong kriminal ang mga naturang opisyal.

“Nanaig ang katotohanan,” sabi ni Cam.

Tumanggi namang ipakita ni Justice Secretary Leila de Lima ang report.

Kailangan muna itong isumite sa presidente lalo't presidential appointee si Pangilinan.

Hindi pa natatanggap ng Malacañang ang DOJ report pero pag-aaralan daw ng Palasyo ang report sa oras na matanggap ito.

“’Yung mga recommendations na ganito ay recommendatory in nature so it doesn’t necessarily follow na kung ano ‘yung recommendation ay ‘yun ang mangyayari,“ sabi ni Sec. Ricky Carandang.

“I am prepared to take responsibility for my actions, kung mayroong mali, ia-accept natin,” sabi naman ni Pangilinan.

Si Pangilinan ay isa lamang sa mga appointee ni Pangulong Aquino na naharap sa mga kontrobersya. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino.