Abalos supporters troop to Pasay court

Posted at Apr 18 2012 10:28 PM | Updated as of Apr 19 2012 06:28 AM

Apat na buwan na ring nakakulong si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, kaya sabik daw ito sa mga kababayan.

Napuno ang grounds ng Pasay RTC ng mga taga-Mandaluyong.

Pero hindi dumating ang pangunahing witness at Comelec supervisor ng South Cotabato na si Lilia Radam dahil may sakit daw ito.

Ipinagpaliban tuloy ni Judge Eugenio dela Cruz ang desisyon kung papayagan niyang magpiyansa si Abalos.

"If there is no testimony from Radam, there is no testimony implicating the chairman,” sabi ni Atty. Cheri Ann dela Cruz, abogado ni Abalos.

Para kina Abalos, senyales ito na wala talagang ebidensya laban sa kanya.

“Pinag-uusapan eh, ‘Do I have any participation?’ Eh walang testigo. Samakatuwid, there is no reason why no bail should be granted,” sabi ni Abalos.

Lalong nagalak sina Abalos nang malamang nagdesisyon na ang Comelec en banc na hindi ito pumayag na gawing state witness ang nag-iisang testigong si Radam.

Nagulat ang prosekusyon sa umano'y biglang pagpabor ng Comelec kay Abalos.

“It’s very clear already that the commission used the testimony of Radam to file cases against Abalos and others but yet they will not file a discharge, that's a clear violation of the law,” Atty. Nena Santos, abogado ni Radam.

"It is up to the court now whether or not to grant the bail. Mahaba pa ang labanan, this is just the preliminary,” sabi naman ni Atty. Maria Juana Valeza, counsel ng Comelec-DOJ panel.

Pinag-iisipan ng kampo ni Radam na ipa-impeach sina Commissioner Rene Sarmiento, Lucenito Tagle, Elias Yusoph, at Armando Velasco.

Sina Commissioner Christian Robert Lim at Comelec chair Sixto Brillantes Jr. ay pumayag daw na gawing state witness si Radam. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino