PH-US war games push through in Nueva Ecija

Posted at Apr 17 2012 10:56 PM | Updated as of Apr 18 2012 06:56 AM

Mortar training ang pinagkakaabalahan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa pagpapatuloy ng “Balikatan” exercises sa Nueva Ecija.

Kunwari, kalaban nila ang mga terorista.

“It’s a combined exercise. Here at Fort Magsaysay, we have two units: one Filipino Army unit and one US Army unit,” sabi ni Col. Jack Pritchard, commander ng 196th Infantry Brigade ng US Army.

Bukod sa war games, nagtuturo rin ang grupo ng mga pangkabuhayan skills sa kalapit na komunidad.

"Mayroon kaming tuturuan na mga tao sa isang barangay ng carpentry at masonry skills,” sabi ni Col. Rhoderick Parayno, chief of staff ng Carfor AFP.

Malaki rin daw ang pakinabang ng Balikatan sa komunidad dahil sa pagsigla ng negosyo.

Si Aling Edna na nagtatrabaho sa isang karinderia, nagpapasalamat dahil may Balikatan.

“Mas lumalakas po ang mga benta ng mga business dito at mas maraming tao,” sabi ni Aling Edna.

Pero kahapon, sinalubong ng protesta ang pagsisimula ng joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na isinasagawa sa Northern at Central Luzon.

“Walang maidudulot na mainam ang Balikatan exercise na kung saan wala namang kaaway na bansa ang Pilipinas,” sabi ni Fidel Castro, vice chairman ng Alyansang ng Magbubukid sa Gitnang Luson.

Pero depensa ng Armed Forces of the Philippines, ligtas ang isinasagawang war games.

“Malayo pa wina-warningan na namin sila para hindi magkaroon ng misencounter,” sabi ni Col. Amadeo Azul, chief of staff ng 7th Infantry Batallion.

Magpapatuloy pa ng ilang araw ang Balikatan exercises sa Crow Valley sa Capas, Tarlac at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. Cris Zuniga, Patrol ng Pilipino