PH dares China to bring Scarborough dispute to int'l court

Posted at Apr 17 2012 11:08 PM | Updated as of Apr 18 2012 07:08 AM

Nakabalik na sa Tanmen Port ng Tsionghai City sa Hainan ang dalawa sa 12 fishing vessel ng Tsina na nitong makalawang linggo ay natiklo habang nangingisda sa Scarborough Shoal.

Pero sa kuwentong ibinigay nila sa Associated Press, sila pa raw ang na-harass ng Philippine Navy habang nangingisda.

Sa pinakahuling statement ng Chinese Embassy, iginiit nitong bahagi ng teritoryo ng Tsina ang Scarborough Shoal na tinatawag nilang Huangyan Island. Nitong 1997 lang daw sinimulang angkinin ito ng Pilipinas.

Ang pagporma ng kanilang barko sa Scarborough ay bahagi lang umano ng law enforcement matapos pumasok sa teritoryo nila ang barko ng Philippine Navy at Coast Guard. Pinaaalis na ng Tsina ang mga barko ng Pilipinas sa lugar.

Kahapon, panibagong fly-by na naman ang ginawa ng isang eroplanong pinaniniwalaang sa Tsina sa isang barko ng mga mangingisdang Pilipino. Tila pinaaalis sila. Nananatiling mainit ang sitwasyon sa Scarborough Shoal.

Kaya ang desisyon ng DFA, isangguni na ang usapin sa ITLOS o International Tribunal on the Law of the Sea. Dito nilulutas ng mga bansa ang gusot sa mga hurisdiksyon sa karagatan.

“Kung ayaw nila pumunta sa ITLOS or to any dispute settlement mechanism, on their own clause, hindi sila prepared to validate their claims. And if they are prepared to validate the claims, then they should go with us to ITLOS” ani Assistant Secretary Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA.

Ang problema hindi ito ang una kundi paulit-ulit nang hiniling ng Pilipinas sa Tsina na isumite na ang isyu ng West Philippine Sea sa ITLOS at paulit-ulit din silang hindi pinapansin ng Tsina. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino