Pacquiao takes oath with PDP-Laban using left hand

Posted at Apr 17 2012 10:50 PM | Updated as of Apr 18 2012 03:50 PM

Super busy si Manny Pacquiao kahapon bago umakyat ng Baguio.

Kahapon ay hanggang hatinggabi ang schedule ni Pacman pagkatapos mag-training.

Gipit man sa oras, lumakad pa ng San Pedro, Laguna si Pacquiao para mag-preach sa Hope Church.

Si Manny pa ang nag-ayos ng kanyang gamit para sa Powerpoint at ganadong inihayag ang kuwento ng kanyang totoong pagbabalik-Diyos.

Hinikayat ni Pacquiao ang lahat na magbasa ng Bibliya para tumuwid ang buhay.

Mula San Pedro, tumuloy sa Makati si Pacman, nanumpa bilang bagong miyembro ng PDP-Laban nina Vice President Jejomar Binay.

“Hindi dahilan na nag-take oath ako rito sa PDP ay kakalabanin ko na ang administrasyon. Actually sinusuportahan ko, ine-endorse ko ang ibang mga agency ng government na maganda ang adhikain para ating mga kababayang mahihirap at ginagawa natin, sinusuportahan natin at lagi ko siyang ipinagdadasal na sana patnubayan siya parati ng Panginoon,” sabi ni Pacquiao.

Kapansin-pansin ang paggamit nila ng kaliwang kamay sa panunumpa.

“Kaliwa ang ginagamit dahil malapit sa puso. Sincere ang pag-take oath ko,” sabi ni Pacquiao.

Masaya si Pacquiao sa desisyon niyang sumali sa PDP-Laban.

Balak niyang tumakbo bilang gobernador ng Saranggani sa halalan sa 2013.

“Malayo pa iyon at target natin iyon,” sabi ni Pacquiao.

Kanina bago umakyat ng Baguio ay nag-training na naman si Pacman.

Kakaiba ang pampagana niya. Kumanta ang Servant of God Police Choir na in-enjoy nang husto ni Pacman.

Balak din ni Pacquiao na kumuha ng law. “Para naman madagdagan ang kaalaman natin,” sabi niya.

Pagkatapos ng training, saka bumiyahe si Pacman sa Baguio. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino