ABS-CBN News

Bad weather delays NoKor rocket launch

Posted at | Updated as of 04/13/12 6:05 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Hindi pa rin sigurado kung bukas ay tuloy na ang paglulunsad ng rocket ng North Korea.

Napakamalihim ng gobyerno ng North Korea at hanggang ngayon ay limitado ang mga detalyeng kanilang inilalabas ukol sa rocket launch.  

Kaya tulad kanina, wala tayong magagawa bukas kundi ang maghintay at magbantay muli.

Agad naalerto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) matapos makatanggap ng text message alas-9:30 kaninang umaga mula kay AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence na si Major General Francisco Cruz.

Kinukumpirma ng text na posibleng paliparin ng North Korea ang kanilang rocket ngayon.

Base kasi sa impormasyon mula sa US Pacific Command, agresibo nang naghahanda ang North Korea.

Kinargahan na ito ng gasolina at nakaalerto na rin ang crew ng rocket. 

“Agresibo ang body language kaya by all indication, ang ginamit nila na kataga 'imminent.' Tagalugin natin, atat na atat,” sabi ni NDRRMC Director Benito Ramos.

Pero matapos ang isang oras bago mag-alas-11 ng umaga ay inanunsiyong hindi na itutuloy ng North Korea ang rocket launch.

Masama raw kasi ang panahon kaya ipinagliban ito ng North Korea bukas.

“Launch could take place either today or tomorrow but they are confident it could be tomorrow as wather forecast is very favorable tomorrow,” sabi ni Ramos.

Bandang alas-12 ng tanghali kanina hanggang bukas ng madaling araw ay pinayagan nang lumipad, maglayag at mangisda  sa exclusion zone o ang lugar na posibleng bagsakan ng rocket booster.

Pero ayon sa NDRRMC, ipapapatupad muli ang “no fly, no fishing and no sail zone” mula 6 a.m. hanggang 11 a.m. bukas o ang launch window na ibinigay ng North Korea.

Aminado ang NDRRMC, walang kakayahan ang gobyerno ng Pilipinas para i-track ang paglipad at ruta ng rocket.

Kaya nakadepende ang ahensya sa impormasyon  mula sa US Military.

“Malalaman natin because of US Pacific Command. Malalaman natin dahil sa satellite,” sabi ni Ramos.

Bukas ng umaga, tuloy na naman ang pagsasagawa ng sweeping operations ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy para tiyaking walang barko o bangkang pumalaot sa hilagang silangang bahagi ng Philippine Sea.

Patuloy na magmamanman at nasa red alert ang NDRRMC hangga’t hindi natatapos ang launch period ng North Korea.

Mahigpit  naman ang bilin ng ahensya na sundin ng publiko ang kanilang advisory at patuloy na i-monitor ang sitwasyon.