PH files protest over Scarborough Shoal row

Posted at Apr 11 2012 09:22 PM | Updated as of Apr 12 2012 12:01 PM

Bandang alas-6:30 ng umaga noong April 8 nang mamataan ng aircraft ng Philippine Navy ang 8 fishing vessels sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.

Agad nagpadala ng barko ang Philippine Navy.

Madaling araw ng April 10 nang dumating ang BRP Gregorio del Pilar sa Scarborough Shoal.

Pasado alas-7 ng umaga ininspeksyon ng ilang taga-Navy ang isa sa walong Chinese fishing vessel, kung saan natagpuan nila ang mga corals at iba pang endangered marine animals.

“We found large amounts of corals, clams and large sharks in its compartments,” sabi ni Vice Admiral Alexander Pama.

Pasado alas-2 ng hapon nang matapos ang pag-iinspeksyon ng Philippine Navy.

Aarestuhin na sana nila ang mga Chinese fisherman at kukumpiskahin ang mga corals at marine animals nang dumating ang dalawang surveillance ships ng China.

Pinagitnaan ng dalawang barko ang isang fishing vessel at ang barko ng Philippine Navy.

Itinaboy ng dalawang Chinese surveillance vessel ang barko ng Philippine Navy at sinabing pag-aari ng China ang Scarborough Shoal.

Walang nagawa ang barko ng Philippine Navy kung ‘di itigil ang pag-aresto, lumayo na lamang sa lagoon ng Scarborough Shoal.

Isang diplomatic protest naman ang inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pulong kanina kasama si Chinese Ambasador Ma Keqing.

Ayon sa DFA, nasa teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal at hindi dapat ito pinangingisdaan ng mga Chinese fisherman.

Pero tugon ng Chinese ambassador, pag-aari raw ng China ang Scarborough.

“In closing the meeting, we issued a diplomatic protest. The ambassador of China took to view that they have full sovereignty over the Scarborough Shoal. So in a sense we have reached an impasse in terms of our positions and so there,” sabi ni DFA Secretary Albert del Rosario.

Kinikilala rin ng United Nations Convention on the Laws of the Sea o UNCLOS na pag-aari ng Pilipinas ang Scarborough na nasa 124 nautical miles ng Zambales.

Bukas ng umaga ay darating na ang mga barko ng coast guard sa Scarborogh Shoal. Pumoporma na rin ang mga barko ng Philippine Navy.

Naniniwala ang DFA na madadaan sa diplomasya ang problema pero gayunpaman ay handa pa rin ang bansa na ipaglaban ang karapatan nito sa Scarborough Shoal. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino