Japan readies missile vs NoKor rocket booster fall

Posted at Apr 11 2012 09:44 PM | Updated as of Apr 12 2012 05:44 AM

Bukas na ang simula ng launch period ng rocket ng North Korea. Kaya ikinakasa na ng Japan ang defense system nito. Ipinosisyon na ang kanilang mga interceptor at patriot missiles para pasabugin ang anumang bahagi ng rocket na papasok sa kanilang airspace.

Sinubukan na rin ang kanilang emergency alert system sa Okinawa Islands. Sa karagatan kasi malapit dito inaasahang babagsak ang unang rocket booster.

"In 1998 missile test, North Korean rocket parts fell 60 kilometres off Japan's east coast. So that was a close call,” sabi ni Narushige Michishita.

“I think it's a reasonable thing for the Japanese government to have decided to deploy the ballistic missile defense system."

Ang ikalawang rocket booster, babagsak naman sa Phililippine sea sa hilagang-silangang bahagi ng bansa.

Ito ang tinatawag na exclusion zone. Batay sa coordinates o impormasyon na ibinigay ng North Korea, sa tantiya nila, dito babagsak ang rocket booster. Kaya bawal maglayag, lumipad o mangisda, lalo na dito sa lugar na ito.

Pero naka-alerto pa rin ang NDRRMC sakaling magka-aberya ang paglunsad ng rocket at bumagsak ang booster sa lupa imbes na sa dagat.

Aminado ang NDRRMC, hindi katulad ng Japan, walang kakayahan ang gobyerno na tirahin ito.

“Highly unlikely but it is probable. The contingency plan is of course pumunta ka na sa indoors,” sabi ni Benito Ramos, executive director ng NDRRMC.

Aabutin ng mahigit tatlong oras bago bumagsak sa lupa o sa dagat ang booster kapag humiwalay ito sa katawan ng rocket. Kaya may panahon pa raw para kumubli.

“Free fall na siya, wala na siyang propellant, kanya matagal at mataas siya,” ani Maximo Sacro Jr., founder ng Philippine Astronomical Society.

Sabi ng NDRRMC, posibleng pahabain ang itinakdang oras na nagbabawal sa paglalayag, pangingisda at paglipad sa mga apektadong lugar dahil nakasalalay ito sa oras ng paglunsad ng rocket.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa joint US military advisory group, Armed Forces of the Philippines at Department of Foreign Affairs para sa pagmo-monitor ng rocket launch. Jing Castaneda, Patrol ng Pilipino