China insists it owns Scarborough Shoal

Posted at Apr 11 2012 09:39 PM | Updated as of Apr 12 2012 05:39 AM

Direkta ang mensahe ng China sa Pilipinas. Dapat daw itigil ng Pilipinas ang mga iligal na aktibidad sa Scarborough Shoal at lisanin ang lugar.

Giit ng China, bahagi ng kanilang teritoryo ang Scarborough Shoal mula pa noong sinaunang panahon at matagal na itong pinangingisdaan ng mga Tsino. Tinatawag itong "Huangyan Island" ng Tsina.

Batay sa bersyon ng China, hinarang ng barko ng Philippine Navy ang 12 fishing boat ng mga Chinese kahapon at hinaras diumano ng mga armadong sundalo ang mga mangigisdang Chinese na titigil muna sa Scarborough Shoal dahil sa sama ng panahon.

Nandoon din daw ang dalawang surveillance ship ng China para pangalagaan ang karapatan ng mga Chinese.

Naninindigan naman ang Pilipinas na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng teritoryo ng bansa.

Pinakamalapit ito sa Zambales sa layong 124 nautical miles, pasok sa 200 nautical mile exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea na pinirmahan din ng China.

“Walang mapapala kung magkakaroon ng pagdanak ng karahasan diyan. Ang importante riyan, pangalagaan natin ang ating sovereignty, hindi natin puwede ipamigay iyan,” sabi ni Pangulong Benigno Aquino III.

Pero kasaysayan naman ang pangunahing batayan ng China sa pag-angkin nito sa Scarborough Shoal.

Taong 1279 at panahon pa ng Yuan Dynasty ito unang nadiskubre ng China at naging bahagi na ng kanilang mga mapa.

Inaangkin din ng China ang mga islang nasa South China Sea batay sa nakapaloob sa Nine-dash Line Theory nito.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Pangulong Aquino na malulutas ang isyu sa mapayapang paraan at pinatitiyak sa Philippine Coast Guard na walang sisiklab na karahasan. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino