Arroyo comes to arraignment, says she's sick

Posted at Apr 11 2012 09:50 PM | Updated as of Apr 12 2012 12:01 PM

Pagpasok pa lang ni dating Pangulong Gloria Arroyo, bungad niya kaagad sa media ang bago niyang sakit.

May shingles ang dating pangulo, isang viral disease na umaapekto sa nerves.

Nakakahawa ang sakit at posibleng magdulot ng bulutong.

Kaya nga babala niya sa mga nasa courtroom ay baka sila mahawa.

"Now I have to continue because I have the shingles. I hope you all have already chicken pox. It’s contagious but you will not get shingles. You will get chicken pox,” sabi ni Arroyo.

Kinumpirma naman ng mga doktor sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) na mayroon ngang shingles si Arroyo.

May benda rin ang kaliwang binti ng dating pangulo, bahagi ng physical therapy niya.

Pero hindi napigilan ng masamang pakiramdam ang arraignment ni Arroyo at ng kanyang asawang si Mike at dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos.

Para ito sa kasong graft kaugnay ng NBN-ZTE deal.

Naghain ang tatlo ng not guilty plea.

Not guilty rin ang plea ni Arroyo sa hiwalay na kasong paglabag sa Code of Conduct of Public Officials.

Limitado lang ang pinapasok sa loob ng courtroom.

Sa May 14 naman babasahan ng sakdal ang ikaapat na akusado na si dating Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza na nagka-mild stroke.

Sa labas naman ng Sandiganbayan nagtipun-tipon ang mga supporter nina Arroyo at nagdasal ng rosaryo habang binabasahan ng sakdal ang mga akusado.

June 4 na ang pre-trial hearing.

Hindi na dadalo roon ang dating pangulo pati na sa mga susunod pang pagdinig.

Ang asawa na lang niyang si Mike.

“Panggigipit lang talaga ito sa amin, hindi naman talaga kami guilty dito," sabi ni Mike.

Balak naman ni Mike na humingi ng permiso sa korte na lumabas ng bansa pero hindi pa niya masabi kung bakit.

Abala naman ngayon si Arroyo sa pagsusulat ng libro tungkol sa kanyang buhay. RG Cruz, Patrol ng Pilipino