PH aid offices on red alert for N. Korea missile launch

Posted at Apr 04 2012 09:44 PM | Updated as of Apr 05 2012 10:54 AM

Tuluy-tuloy na naka-red alert ang NDRRMC at ang mga ahensiyang miyembro nito hanggang sa Abril 17.

Ito’y para tutukan ang missile launch ng North Korea na nakatakda sa pagitan ng alas-6 ng umaga hanggang alas-11 ng tanghali mula April 12 hanggang 16.

Magmumula ang missile sa lalawigan ng North Pyongan sa North Korea at nakatakdang bumagsak sa karagatan malapit sa Pilipinas.

Pero wala man itong laman na anumang nakalalasong kemikal, posibleng tumama ang debris ng missile sa iba't-ibang bahagi ng bansa.

“Hindi natin alam kung gaano kalaki o kaliit, kung kasing laki ng refrigerator o kotse,” sabi ni NDRRMC Director Benito Ramos.

Batay sa impormasyon na ibinigay ng gobyerno ng North Korea sa NDRRMC, posibleng tumama ang mga debris sa hilagang bahagi ng bansa kaya apektado ang Region 1, 2, CAR, 3, 4, hanggang sa Region 5.

Ipinag-utos na ng NDRRMC ang no fly-zone, no sail-zone at no fishing-zone sa mga apektadong lugar sa panahon ng missile launch.

Delikado raw kasing tamaan ang mga eroplano, barko at mga bangka.

“Sapilitan ito, ‘yung mga mangingisda na maliliit ang bangka eh hihilahin ng coast guard,” sabi ni Ramos.

Pinaalalahanan din ng NDRRMC ang publiko na huwag hawakan ang anumang matatagpuang missile debris.

Sa halip, itawag ito sa hotline ng NDRRMC para masuri ng mga eksperto.

Mainam na raw ang maagap kaysa magsisi sa huli. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino