EXCL: Erap, Binay parties team up for 2013 polls

Posted at Apr 04 2012 10:33 PM | Updated as of Apr 05 2012 10:54 AM

Walang pakipot na inamin ni Senador Koko Pimentel ng partido PDP-Laban ang plano niyang re-election kahit isang taon pa bago ang halalan sa May 13, 2013.

“Just a few days ago I signed a coalition agreement between PDP-Laban and Partido ng Masang Pilipino and now we call our alliance the United Nationalist Alliance or UNA,” sabi ni Pimentel.

Bukod sa pagsasanib-puwersa ng dalawang partido, ang UNA ay balik-tambalan ng running mates na sina dating pangulo at PMP president Joseph Estrada at Vice President Jejomar Binay.

Noong administrasyong Arroyo, nakilala sila bilang United Opposition o UNO.

Bukod kay Pimentel, inaasahang makakasama sa senatorial ticket ng UNA sina Joey de Venecia, JV Ejercito, Jack Enrile at mga re-electionists na sina Chiz Escudero, Loren Legarda, Gregorio Honasan at Alan Cayetano.

Kinumpirma naman ni Pimentel na inimbita ni Binay si Migz Zubiri para mapabilang sa UNA senatorial ticket.

Nag-resign si Zubiri bilang senador noong Agosto, ilang araw bago naiproklama si Pimentel bilang tunay na nanalo noong 2007 elections.

“I have my opposition to it. This will become a heated topic within the coalition,” sabi ni Pimentel.

Una nang sinabi ni Pangulong Aquino sa ABS-CBN News na hindi kasama ang grupo ni Binay sa binubuong administration coalition para sa 2013.

Pero sabi ng isang political analyst, hindi nagbubuo ng puwersa si Binay laban sa pangulo.

Sinubukan din naman daw ng PDP-Laban na makipag-usap sa Liberal Party ang partido ni PNoy.

“They tried to put together a coalition with the liberals first. Only when it failed did they start looking for other groups,” sabi ni Prof. Prospero de Vera, UP National College of Public Administration and Governance.

Bukas pa rin daw ang pinto ng UNA sa ibang partido. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino