Miriam delivers pick-up lines anew

Posted at Mar 30 2012 10:08 PM | Updated as of Mar 31 2012 09:48 AM

Sa harap ng halos isang 1,000 graduates ng University of Rizal System, ibinulalas ni Senador Miriam Santiago ang hirap na dinanas dahil sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Binanatan din niya si Attorney Vitaliano Aguirre na nagtakip ng tenga nang sabunin ng senadora ang prosecution.
   
“Matagal ako nagkasakit dahil sa impeachment trial. Hindi ka ba magkakasakit sa kalokohang ginagawa sa impeachment trial? Mayroon pang isang matanda, galit ako sa kanya dahil wala siyang sex appeal. Lumapit-lapit sa ‘kin tapos tatakpan tenga. Habang nagsasalita ako, binabastos niya ako, kaya lumapit ako agad sa kanya, sabi ko sa kanya, ‘Nanghahamon ka ba?’ ‘Hindi po,’ sabi niya. ‘Graduate ka ba ng University of Rizal?’ ‘Hindi po.’ Suntukin ko na sana," ani Santiago.

Pero maliban sa impeachment, umagaw rin ng atensyon ang ilang pick-up lines ng senadora na may pasaring para sa mga kaaway.
 
“Ito sasabihin mo sa mga taong ayaw mo, kamukha ko sa Senado. Sabihin mo: ‘Alarm clock ka ba? Kasi paggising ko ikaw una kong gustong patayin,’" pagbibiro ni Santiago.

Mayroon din siyang pick-up lines para sa mga sawi sa pag-ibig.

"Anong tawag sa mag-boyfriend na pareho maganda mukha? Answer: Ang tawag diyan ay tinadhana.”

"Anong tawag sa mag-boyfriend na pareho pangit? Answer: Sumpa."

Pagkatapos ng talumpati, balik-impeachment ang mga banat ng senadora. Nanawagan si Santiago kay Corona na personal silang tumestigo ng misis para palakasin ang kanilang depensa. RG Cruz, Patrol ng Pilipino