TUCP justifies P90 wage increase petition

Posted at Mar 29 2012 10:35 PM | Updated as of Mar 30 2012 06:36 AM

Kamakailan ay inihain ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP ang petisyon para humiling ng P90 na dagdag-sahod ng mga manggagawa sa NCR mula sa minimum na P426.

Sakaling maaprubahan ang hirit na umento, kaya na bang bumuhay ng pamilya ang sahod na ito? Paano na-compute o saan nakuha ng TUCP ang P90 na wage increase? At ano naman ang hinihintay ng gobyerno para mapagbigyan ang kahilingan ng mga manggagawa? Narito ang aming special report. TV Patrol, Marso 29, 2012, Huwebes


Ayon sa TUCP, malinaw ang kanilang batayan sa P90 na dagdag-sahod ng mga manggagawa. At sa kanilang kalkulasyon, magkakaroon ng 9 porsyentong inflation rate o inaasahang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Katumbas ito ng P38.34. Kasama rin sa kuwenta ang inflation rate mula Hunyo 2011 hanggang Pebrero 2012 na katumbas naman ng P5.28. At panghuli, ang tinatawag nilang “equity supplement” na P46.

“Bahaginan niyo naman po kami ng kahit na kaunti diyan po sa growth ng regional economy, P2 lang for every year. So from 1989 to 2012, that's P46,” sabi ni Sister Eva Arcos ng TUCP.

“So simulan natin, P5.28 plus P38.24 plus P46 and that is P90.”

Ayon naman sa Department of Labor and Employment, hindi muna nila mapagbibigyan ang kahilingang P90 na dagdag-sweldo ng mga manggagawa dahil walang supervening condition o wala pang batayan.

“Ang supervening condition, kagyat o abrupt, sustained o sunud-sunod for a prolonged period of time at substantial na pagtataas ng presyo ng petrolyo atsaka pangunahing bilihin,” sabi ni Nicon Fameronag ng DOLE.

“Nineteen ninety, 1990 Gulf war, oil supply constricted, tumaas bigla, nagdeklara ng supervening condition. Two thousand five, VAT at eVAT, 2008, rice crisis, dahil sa La Niña. Kailan huli, last year, nagtaas kaya tayo ng 22 cola kahit wala pa ang one year kasi ang petrolyo naman ang biglang tumaas.”

Nagtataka naman ang mga kinatawan ng TUCP kung bakit ang kahirapan sa buhay ng mga manggagawa ay hindi kinukunsidera na supervening condition o batayan para magtaas ng suweldo.

“Pambihira naman, ano pa bang hinahanap nating supervening event, e nagugutom na ‘yung pamilya sa P248.40, ‘di ba?” ani Arcos.

Ang P248.40 ay siyang purchasing power o halaga na lamang ngayon ng minimum wage na P426 o erosion na 42 percent. Ayon pa sa TUCP, sa taong 2011 lamang ay ilang beses nang tumaas ang singil sa kuryente.

Sabi naman ni Vince Camilon Jr., chief of staff ng TUCP party-list, “Noong June 2011 nu'ng na-approve po ‘yung last P22 na wage increase, ang average rate po noon ay P10.35. Ang per kilowatt hour po ay P10.35. Noon din pong buwan na ‘yun nang nag-increase po ng P22, nag-increase na po kaagad ang MERALCO ng P00.51.”

“So ngayon po 11.79 per kilowatt hour na po mula noong P10.35, so ito po ay isang supervening event na nakikita namin na magju-justify po ng wage increase.”

Isa sa mga simpleng manggagawa ay si Rogelio Sule, electrician sa Luneta at sumasahod ng minimum wage.

Apat na anak ang kanyang pinag-aaral. Nasa kolehiyo ang panganay. High school ang pangalawa at dalawang maliit na anak sa elementarya. Ang kanyang misis ay nasa bahay lamang para asikasuhin ang mga anak. Masuwerte na siya at hindi siya nagbabayad ng renta sa bahay.

Sa payslip ni Roger sa isang buwan, sumasahod siya ng P13,125 plus P2,000 na allowance. May mga kaltas pa siya Medicare, meron siyan loan, may GSIS, Pag-ibig, at kontribusyon sa asosasyon ng Luneta.

Lumalabas na ang naiuuwi ni Roger ay nasa P10,000 na lamang. Ito na ang iniintrega niya ngayon sa kanyang misis, at ganito nila bina-budget ang P10,461.84 na take-home pay: P6,000 sa pagkain isang buwan, P500 sa bayad sa kuryente, P700 sa tubig dahil sira ang tubo, P900 sa pamasahe, P3,400 sa baon sa paaralan, P1,500 sa mga pinagkakautangan. Kaya wala nang natira, may utang pa.

“Halimbawa, may P100 pa kong natira, ‘yun na lang ibibili ko sa kanila ng gamot,” sabi ni Carmelita Sule, misis ni Rogelio. “Kung kailangan ko silang dalhin sa doctor, mangungutang ako para maipa-doktor ko sila.”

Isa lamang is Roger sa milyun-milyong manggagawa na ganito ang katayuan sa buhay.

“Miski sino pong sumuma ng ganu'ng sitwasyon, lalo na po sa aming magpamilya, sa dami po ng aking pinakakain kapus-kapos po ‘yun,” ani Rogelio. “Halos maiyak na po ako pagka sila po ay aking pinakakain, sapagkat kulang na kulang po ang aking ibinibigay sa kanila.”

Hindi pa kasama sa budget ni Roger ang taas ng pasahe ngayon, ang nakatakdang tumaas na kuryente, ang pagtaas ng tuition at bawal na ring magkasakit.

Sa May 27, sisimulan na ng wage board ang konsultasyon sa petisyon. Sa House of Representatives, ang House Bill 375 ay humihiling naman ng P125 na wage increase across the board.