Miriam wants to cite survey firms in contempt

Posted at Mar 27 2012 12:34 AM | Updated as of Mar 27 2012 11:42 AM

Binatikos ni Senador Miriam Defensor Santiago ang Pulse Asia at iba pang nagsasagawa ng survey kaugnay kay Chief Justice Renato Corona na nasa gitna ng impeachment trial.

Kung hindi raw titigil ang mga ito, ipapa-indirect contempt niya sila sa Senate impeachment court.

"Para bang sabi nila sa akin ‘Balewala naman ang pinagsasasabi mo. You are only 1 of 23.’ Kung ganoon ang attitude nila I will be compelled dahil sa ilalim ng ating rules of court, the court itself can motu propio, meaning to say, 'on its own initiative,' file a petition for indirect contempt,” sabi ni Santiago.

Dati nang nagbabala ang senador dahil sa survey ng ilang estudyante mula sa Univeristy of the Philippines.

Pakay diumano ng mga survey na impluwensyahan ang pag-iisip ng publiko at senator-judges.

Hinamon din ni Santiago ang Pulse Asia na ibunyag kung sino ang may-ari nito at kung sino ang nagpondo sa survey kung saan lumabas na mas marami ang walang tiwala sa chief justice.

Buwelta ng Pulse Asia, hindi sila titigil na mag-survey puwera lang kung ito'y iutos ng korte.

Pero inamin ng kumpanya na isa sa mga shareholders nila ay si Antonio Cojuangco, na kamaganak ni Pangulong Aquino.

“When we conducted the survey and we released the results, there was no order that I know of that prohibited us from conducting our usual work for releasing the results of the survey,” sabi ni Ronald Holmes ng Pulse Asia.

Ayaw rin paawat ang student council ng limang unibersidad na naglabas ng sarili nilang survey tungkol sa chief justice.

Base sa survey, karamihan sa may 2,000 estudyante ay wala nang tiwala kay Corona.

Mas nakararami rin ang naniniwalang hindi na siya dapat manatili sa puwesto.

Isinagawa ang survey kahit hindi pa tapos ang mga abogado ni Corona na maghain ng ebidensiya pabor sa punong mahistrado. RG Cruz, Patrol ng Pilipino