Corona camp says California properties are daughter’s

Posted at Mar 27 2012 01:03 AM | Updated as of Mar 27 2012 11:42 AM

Naninindigan ang depensa na walang pag-aari sa America si Chief Justice Renato Corona. Pero inamin nila na ang anak ni Corona ang bumili ng bahay sa California gamit ang sariling pera. Nagpa-Patrol, Jing Castaneda. TV Patrol, Marso 26, 2012, Lunes

Paulit-ulit na itinanggi ng mga abugado ni Chief Justice Renato Corona ang alegasyon ng journalist-blogger na si Raissa Robles na may mga real estate property si Corona sa America.

Sa blog ni Robles, iniuugnay niya ang punong mahistrado sa mga ari-arian sa Tampa, Florida at Mountain View, California.

Paliwanag ng depensa, ang mga naturang address ay dating nirentahan ng mga anak ni Corona nang sila ay nagtatrabaho sa America sa loob ng 14 na taon, samantalang ang bahay naman sa Florida ay pag-aari ng kanyang kaibigan na kanyang hinihiram kapag siya'y naroon.

“Ginamit niya lang hong mailing address ‘yan tuwing nandoon po siya sa America para ho bisitahin ang kanyang mga anak,” ani Atty. Rico Quicho ng depensa.

Inamin ng depensa, ang isa sa mga anak ni Corona na si Charina ang bumili ng bahay sa Sacramento, California noong 2008, pero tiniyak nilang sariling pera ni Charina ang ipinambili nito.

“Hinulugan niya ng 30 years ito. At iyong anak po ni Chief Justice ay dalawa po ang trabaho niyan at kumikita naman po,” sabi ni Atty. Tranquil Salvador.

Sabi ng depensa, dapat siniguro muna ni Robles ang mga detalye ng mga ari-arian bago niya ito inilathala.

Handa naman si Robles na ihayag ang kanyang mga katibayan na ibinigay pa raw mismo sa kanya ng mga Pilipinong nakatira sa America.

“I know for a fact that there are thousands of Filipinos in the United States who have knowledge about this and I was right,” sabi ni Robles. “Ten of them gave me leads and another one gave me evidence."

Para naman sa depensa, trial by publicity ang nangyayari dahil wala nang kinalaman sa impeachment case ang isyu. Jing Castaneda, Patrol ng Pilipino