Mike Arroyo files bail for NBN-ZTE case

Posted at Mar 13 2012 09:38 PM | Updated as of Mar 14 2012 05:38 AM

Taong 2007 nang pumutok ang isyu ng pagpasok ng gobyernong Arroyo sa kontrobersyal na National Broadband Network-ZTE Corp. deal na nagkakahalaga ng $329.5 million.

Nasangkot sa kontrobersya sina dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Arroyo, ang asawang si Mike Arroyo, dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos at dating Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza.

Bagama’t kinansela noon ang kontrata, itinuloy pa rin ang paghahain ng kaso laban sa kanila sa Ombudsman.

Kanina, inilabas ng Fourth Division ng Sandiganbayan ang arrest order laban sa kanila sa paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ito'y matapos diumanong gumamit ng impluwensya at panunuhol para madaliin ang kontrata.

“Ang basehan ng arrest warrant is that, based also in this resolution, the court has found probable cause,” sabi ni Atty. Joffre Zapata, clerk of court ng Fourth Division sa Sandiganbayan.

Naglabas din ng warrant of arrest sa dating pangulo sa umano’y paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees matapos diumano siyang tumanggap ng pabor sa kumpanyang ZTE.

Halagang P30,000 piyansa ang haharapin ng mga akusado sa bawat kaso habang may dagdag na P10,000 pa kay GMA dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ikinagulat ito ng abogado ni Ginang Arroyo.

“Naka-detain siya ngayon sa Veterans (Memorial Medical Center) as you know. We have to file the proper motion in court to ask the court if possible to allow the procedure to be done sa Veterans,” sabi ni Lawrence Arroyo, abogado ni Rep. Gloria Arroyo.

Ala-una ng hapon nang dumating ang dating Unang Ginoo para maghain ng piyansa.

“Can you imagine if we were arrested while burrying my brother? I thank the court naman,” sabi ni Mike.

Naghain din ng piyansa si dating Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza.

“One option is to proceed (with) the trial because the evidence is weak anyway against him. We also have the option of going up to the Supreme Court,” sabi ni Alexander Poblador, abogado ni Mendoza.

Ikinatuwa naman ng Palasyo ang paglabas ng arrest warrant.

“We believe it’s a step in the right direction,” sabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte.

“Marami kaming abogado diyan. Marami kaming nag-iisip. May kasabihan ngang two eggs are better than one... heads pala, heads,” sabi ni Ferdinand Topacio, abogado ni Mike.

Hindi naman sumipot sa Sandiganbayan si Abalos dahil nakapiit din ito sa Taguig sa kasong electoral sabotage. Israel Malasa, Patrol ng Pilipino