Miriam berates prosecution anew

Posted at Feb 27 2012 10:49 PM | Updated as of Feb 28 2012 06:49 AM

Ayaw daw nilang magkaroon ng banggaan ang impeachment court at ang Korte Suprema, lalo't nagdesisyon na ang korte na hindi puwedeng tumestigo ang mga mahistrado, partikular sa mga bagay na itinuturing na confidential. Kaya sinabihan ng impeachment court ang prosekusyon na imbes na ipa-subpoena si Sereno, sila na lang ang mag-imbita sa kanya upang tumestigo.

Sa simula ng hearing, inanunsyo ni Senate President Juan Ponce Enrile na binawi na ni Senador Antonio Trillanes IV ang hiling niyang padalhan ng written questions si Sereno.

Pero iginiit ng mga taga-usig ni Corona na dapat gamitin ng Senado ang kapangyarihan nito bilang impeachment court para magpatawag ng mga testigo. Hindi rin daw dapat gawing sikreto ng korte ang mga umano'y iregularidad sa paglabas ng temporary restraining order na pinapayagang lumabas ng bansa si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Mahalaga para sa prosekusyon ang testimonya ni Sereno dahil isinulat niya sa kanyang dissenting opinion ang umano'y pagmamaniobra ni Corona para palabasing may bisa na ang temporary restraining order kahit hindi pa natupad ni Arroyo ang lahat ng kondisyon nito.

Pero pinanindigan ng Senado ang nauna nitong desisyon na hindi ipapatawag ang sinumang miyembro ng Korte Suprema dahil sa tinatawag na principle of separation of powers ng mga sangay ng gobyerno.

Napagsabihan din ng ilang senator-judge ang prosekusyon.

Samantala, humarap kanina bilang testigo ang doktor ni dating Pangulong Arroyo na si Juliet Gopez Cervantes para iprisinta ang medical certificate ni Arroyo at ang chief administrative officer ng Office of the Vice President para i-authenticate ang records ni Corona habang chief of staff siya ni Arroyo noong vice president ito.

Humarap din si Edmond Llosala, ang cameraman ng ABS-CBN sa justice department at Supreme Court beat para i-authenticate ang nakunan niyang video ng press conference ni Supreme Court spokesman Midas Marquez kung saan inilatag ang mga kondisyon ng TRO at ang pagbayad ng mga Arroyo ng cash bond na P2 milyon sa parehong araw na ilabas ang TRO.

Sa cross examination, paulit-ulit siyang tinanong ni defense lawyer Serafin Cuevas kung naiintindihan niya ang TRO, pero sinabi niyang ang trabaho niya lang ay kunan ang balita.

Sa gitna naman ng palitan, tumayo si Senador Jinggoy Estrada at kinuwestyon ang pandidikdik ni Cuevas sa testigo.