EDSA I key players attend commemoration activity

Posted at Feb 22 2011 11:57 PM | Updated as of Feb 23 2011 10:36 AM

Nagkita-kita muli ang mga pangunahing tauhan ng 1986 EDSA People Power sa pagbubukas ng isang museo sa Camp Aguinaldo.

Itinayo ang museo sa kuwarto kung saan inanunsyo ng noo'y Defense Minister na si Juan Ponce Enrile, AFP Vice Chief of Staff Fidel Ramos ang pagtiwalag nila ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos.

Magakakasama man sa EDSA noong 1986, naghiwa-hiwalay din sila ng landas. Pagkatapos kasi ng EDSA, tumiwalag si Juan Ponce Enrile kay Pangulong Cory Aquino.

Pinangunahan naman ni Honasan ang ilang kudeta laban kay Cory.

Si Ramos na naging AFP Chief of Staff at Defense Secretary ni Cory ang dumepensa sa pamahalaan laban kina Honasan at Enrile.

Pero ngayon, tila kinalimutan na ang anumang hidwaang namagitan sa kanila kabilang ang Pangulo na nabaril at nasugatan noong nag-kudeta si Honasan.

"Lahat naman po kami nagkakapareho na gusto umasenso ng ating bansa. Puwede rin natin masabi na baka at certain points in the history of our people, may kanya-kanyang ruta kung paano ma-attain ang pag-asenso ng ating bayan,” sabi ni Pangulong Benigno Aquino III.

“But there is so much to do, we have much much work ahead of us. I think we should unite as a people. Not military uprisings. I think to keep us on high moral ground, we should opt for the peaceful, legal, constitutional means," sabi ni Sen. Gringo Honasan.
 
Maging ang anak ng napatalsik na diktador na si Senador Bongbong Marcos, aminadong maituturing na isang "touching point" sa kasaysayan ng bansa ang EDSA 1.

Dapat itong gamitin para mapabuti ang bansa pero sa tingin ng Senador, mas uunlad pa ang Pilipinas kung hindi lang napatalsik ang ama.

"Kung iisipin natin ang mga pangyayari noong 1986 at kung nasaan na ngayon ang kalagayan ng ating ekonomiya, ng ating mga kababayan, maliwanag na marami pa rin tayong pagkukulang sa pamahalaan. Napakalaki ng naging progreso ng ating bansa simula noong panahon na iyon. Siguro Singapore na tayo ngayon,” ani Marcos.

Pero naniniwala si Enrile na hahantong din sa pag-aaklas ang lahat kung nagtagal pa noon si Marcos.

"Any upheaval in any country in the world, there is a setback. Pero kahit na may setback na ganoon, it was coming, whether we like it or not, it was going to explode," ani Enrile.
 
Sa ika-25 anibersaryo, nagkaisa muli ang mga lider ng EDSA. Tila patunay na walang permanenteng mag-kaaway sa pulitika. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino