Court to subpoena Corona bank records

Posted at Feb 06 2012 10:44 PM | Updated as of Feb 07 2012 06:44 AM

Iyan ang Republic Act (RA) 1405 o ang Bank Secrecy Law. Pero ayon sa mga senador, may mga exceptions ito, kabilang ang isang impeachment trial. Iyong RA 6426 naman o Foreign Currency Deposit Act, puwede raw i-relax depende sa kaso o sitwasyon, ayon mismo sa Korte Suprema sa mga naging desisyon nito dati.

Dahil dito, ipapatawag sa Senado sa Miyerkules ang general manager ng BPI Ayala Branch at PS Bank Katipunan Branch kung saan inaakusahan ng prosekusyon si Corona ng pagkakaroon ng secret dollar account.

Kailangan nilang dalhin ang bank records ni Corona mula 2005 para sa BPI at 2007 para sa PS Bank hanggang 2010.

Bago nagbaba ng desisyon ang impeachment court, muling humarap si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares at idinetalye ang aniya'y mga discrepancy sa statement of assets and liabilities (SALN) ni Chief Justice Corona.

Matapos sumalang sa impeachment court noong January 26, inimbestigahan ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares si Chief Justice Renato Corona para sa posibleng pagkukulang sa pagbabayad ng buwis.

Sa pagbabalik niya kanina, inihayag niya ang mga nakitang hindi pagkakatugma ng mga ari-arian ng punong mahistrado at ng mga nakadeklara sa SALN niya.

Mula 2002 hanggang 2010, hindi raw idineklara ni Corona sa SALN niya ang 9 na properties sa Marikina.

Noong 2003, P3 million lang imbes na P11 million ang nakalagay na presyo ng lote sa La Vista; P821,000 lang imbes na P2.5 million ang isa pang property; at P7 million lang imbes na P14 million ang inilagay niyang net worth.

Noong 2004, wala sa SALN ang isang property sa Diliman, Quezon City. Higit P3 million lang imbes na P27 million ang nakalagay na presyo ng condo unit sa The Columns, Ayala, at nasa P7 million lang imbes na P21 million ang nilagay niyang net worth.

Noong 2005 naman, hindi nakalagay sa SALN ang property niya sa Fort Bonifacio sa Taguig.

Mula 2006 hanggang 2009 mas mababa raw kaysa sa tunay na net worth ni Corona ang nakalagay sa SALN niya.

Pero kinuwestyon ng depensa ang pag-iimbestiga ng BIR kay Corona kasabay ng impeachment trial.

Ayon pa sa kampo ni Corona, opinyon lang ni Henares ang sinabi niyang mga discrepancy sa SALN at hindi base sa mga orihinal na mga SALN ni Corona.

Nanindigan ang depensa: Tama ang mga nakalagay sa SALN ni Corona at handa raw silang patunayan ito oras na sila na ang maglalabas ng ebidensya sa paglilitis.

Nilinaw naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi dahil pumayag silang ipatawag ang mga bank official ay tatanggapin agad nila ang testimonya ng mga ito bilang ebidensya sa Article 2 ng impeachment complaint. Susuriin pa raw ito oras na iharap na sila kasama ang bank records ni Chief Justice Corona.