Mike Arroyo denies involvement in PNP chopper deal

Posted at Jan 19 2012 10:56 PM | Updated as of Jan 20 2012 06:56 AM

Kasama ang kanyang abogado, nagtungo sa Ombudsman si dating First Gentleman Mike Arroyo para maghain ng counter-affidavit sa kasong graft kaugnay sa umano'y maanomalyang Philippine National Police (PNP) chopper deal.

Itinanggi ni Arroyo na bahagi siya ng kumpanyang LTA nang mangyari ang transaksyon sa pagitan ng Lion Air at PNP.

"Wala akong kinalaman sa deal na iyan," sabi ni Arroyo.

Sinusundan din umano nila ng kanyang asawang si dating Pangulong Arroyo ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

"Senate President Enrile is vey fair. He’s very good at running the impeachment trial," sabi ni Arroyo.

May mensahe rin si Ginoong Arroyo kay Corona: "To remain steadfast. This will all pass.”

Ayon kay Ginoong Arroyo, wala siyang alam tungkol sa mga property umano ni Corona sa La Vista Subdivision at One Burgundy Plaza kung saan may mga pagmamay-ari din ang mga Arroyo.

Pero kahit hindi raw sila malapit, alam niyang malinis raw ang kayamanan nito.

"That’s through his hard work. Puro installment ang mga property na binibili niya,” sabi ni Arroyo.

Gawa-gawa lang din daw ang panibagong kasong plunder na isasampa kay Ginang Arroyo tungkol naman sa intel fund ng PCSO.

"Lahat ng mga kaibigan namin, hina-harass. Kawawa naman sila at kawawa din kami,” sabi ni Arroyo.

Bumabalik na naman daw ang pananakit ng leeg ni Ginang Arroyo.

Pero sa kabila nito, haharapin daw ng dating Pangulo ang kanyang mga kaso.

Sa ngayon hihintayin pa ang sagot ng kabilang panig sa counter-affidavit ni Arroyo. Kung wala, umaasa silang magkaka-resolusyon na ang kaso. Niko Baua, Patrol ng Pilipino