Defense 'scores' on Day 2 of Corona trial

Posted at Jan 17 2012 09:41 PM | Updated as of Jan 18 2012 05:41 AM

Kung kahapon ay llamado ang prosekusyon, ngayon naman ay depensa ang nakalamang, una na nga pagdating doon sa issue ng pagbago-bago ng prosekusyon doon sa pagkakasunud-sunod ng Articles of Impeachment na tatalakayin. Ikalawa, ang pag-subpoena kay Chief Justice Corona.

Paniwala ng depensa, nakapuntos sila nang manalo sa botohang 14-6 ang ruling ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi na isu-subpoena si Corona at ang kanyang pamilya.

Hiniling kasi ng prosekusyon na gawing testigo ang mga Corona sa pagdinig.

Sabi ni Enrile, batay sa rules on crimininal procedure, may right against self-incrimination si Corona at hindi rin puwedeng tumestigo ang kanyang asawa't mga anak laban sa kanya.

Ikinatuwa naman ng depensa ang desisyon ng senator-judges at ang kanilang pagsunod sa tamang rules and procedures na nakasaad maging sa Konstitusyon.

Sabi ni Atty. Dennis Manalo, "To us, it tells us how the Senate will proceed with this case, which means it will follow the constitutional requirements, the law and the rules. That is how any proceeding is supposed to go. It must be in accordance with rules. Alam mo, kasi kapag hindi natin sinundan ‘yung mga patakaran, magkakagulo eh."

“Siguro kulang lang ng time. Kasi alam mo sa preparasyon, you need time eh. 'Di ba? Kasisimula lang, they would need time and we don’t want na palabasin na this was a major victory. No. This is just a part of the process. For us, I don’t want to use the negative word ‘setback.’ I would like to use the words ‘it is a good advance for us,'" dagdag naman ni Atty. Tranquil Salvador III.

“Siyempre lubos kaming nagagalak dahil nangangahulugan ‘yan na pinakikinabangan namin ang aming preparasyon na ibibigay naman ang aming mga pakiusap sa husgado,” sabi naman ni Atty. Serafin Cuevas.

Bukas ay inaasahan namang magdadala na at magpapakita ang prosekusyon ng mga dokumento na magpapatunay sa sinasabi nilang mga tagong yaman ni CJ Corona.

Pinangako ng depensa na magiging mahigpit sila pagdating doon sa tinatawag nilang admissibility of evidence. Ibig sabihin nito, ang mga dokumento, deeds of sale na hindi authenticated at walang patotoo ay kanilang tututulan bilang ebidensya.