EXCL: Tupas: GMA may be summoned to Corona trial

Posted at Jan 16 2012 11:20 PM | Updated as of Jan 17 2012 07:20 AM

Ang kaugnayan ni Chief Justice Renato Corona kay dating Pangulong Gloria Arroyo ang isa sa mga hihimayin nang husto ng prosekusyon sa impeachment court.

Naniniwala ang prosekusyon na ginagamit ni Corona ang kanyang posisyon para paboran si Ginang Arroyo na tinatanawan diumano niya ng utang na loob.

Sa 19 kasing kasong may kaugnayan kay Arroyo sa Korte Suprema na nilahukan ni Corona, lahat ay kanyang pinaboran.

Pinakahuli ay ang pagpapalabas ng Korte Suprema ng TRO sa ipinalabas na hold departure order ng Department of Justice laban sa mag-asawang Gloria at Mike Arroyo.

“Dahil sa TRO na iyon na in-issue na ang mga conditions ay hindi pa nako-comply, inilabas na nila ang TRO para lamang makaalis at makatakas si GMA mula sa Pilipinas,” sabi ni impeachment spokesperson Miro Quimbo.

Mahaba ang pinagsamahan ni Corona at ni Arroyo mula pa noong chief of staff siya ni Arroyo nang bise presidente pa lang ito.

Bago bumaba sa puwesto noong 2010, itinalaga ni Arroyo si Corona bilang punong mahistrado ng Korte Suprema.

Plano ng prosekusyon na ipatawag si Ginang Arroyo sa impeachment court upang malinawan ang kanyang tunay na kaugnayan kay Corona.

“Pinag-uusapan ng prosecution [kung posibleng ipatawag si Arroyo] at wala pa kaming desisyon as of now. Tinitignan namin,” sabi ni Rep. Niel Tupas.

Sa pahayag naman ni Attorney Ferdinand Topacio, ang tagapagsalita ni Arroyo, sinabi niyang payag ang pamilya Arroyo na lumahok sa isang patas na pagdinig para malinis ang kanilang pangalan. Julius Babao, Patrol ng Pilipino