Abalos incurs judge's ire over bribery claim

Posted at Jan 09 2012 11:04 PM | Updated as of Jan 10 2012 07:04 AM

Libu-libong supporters na naman ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos ang sumugod kanina sa harap ng Hall of Justice ng Pasay City.

Matiyaga silang naghintay habang dinidinig ang hirit ng kampo ni Abalos na unahin muna ang motion to inhibit laban kay Judge Jesus Mupas.

Sa loob ng 15 araw, tiniyak ni Judge Mupas na reresolbahin ang kagustuhan ni Abalos na bitiwan niya ang kaso.

Pero naglabas pa rin ng warrant of arrest si Mupas laban kay Abalos at abugado niyang si Brigido Dulay dahil sa alegasyong pangingikil ng dalawang abugadong nagpakilala diumanong emisaryo ni Mupas.

“It was offensive and insulting to the integrity and honor of the court,” sabi ni Felda Domingo, legal researcher ni Mupas.

Bagama’t umangal, walang magawa si Abalos dahil nasa kustodiya na siya ng Philippine National Police.

“Hindi ko sinasabing siya ang gago, ang huwes na ito. Hindi ko sinasabing siya ang tarantado. Ang sinasabi ko, kung totoo na iyong huwes na sinasabi ng dalawang emisaryong ito ay nagpapahingi, they do not deserve to be in the judiciary. Iyan ang mga tarantado,” sabi ni Abalos.

Sampung araw na kulong at P2,000 multa ang kinakaharap nina Abalos at Dulay.

Pero si Dulay, hindi sumuko at sa halip ay naghain ng petisyon sa Court of Appeals para repasuhin ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Mupas.

Tumangging humarap sa camera si Dulay pero nagpaunlak ito ng interview sa telepono.

“Why is he shooting the messenger? Dapat nga siguro ang dapat niyang ipaaresto rito, parusahan at hanapin ay itong gumagamit ng pangalan niya,” sabi ni Dulay.

Nag-withdraw naman ang 5 abogado ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa kaso niya sa sala ni Judge Mupas kabilang sina Atty. Lawrence Arroyo at ang mag-amang Jose at Jay Flaminiano.

Tututok daw sila sa mga kaso ni GMA sa Sandiganbayan.

“This is upon the instructions, directive ni President Arroyo,” ani Atty. Arroyo.

Solo nang hahawakan ni Atty. Benjamin Santos ang depensa sa kasong electoral sabotage laban kay Arroyo. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino