ABS-CBN News

Less than 100 OFW-takers in Libya for 400 tickets home

Posted at | Updated as of 08/25/11 6:27 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Daan-daang mga taga-Libya ang umatake sa compound ni Moammar Gaddafi sa Tripoli.

Pinagpapatay ang mga loyalistang sundalo, ninakaw ang mga gamit ng militar, at pinugutan ang estatwa ng lider ng Libya.

Ipinagdiwang nila ang pagtatapos ng 42 taon ng diktadurya roon.

Pero hindi nakita sa loob ng compound si Gaddafi.

“We're in front of his compound and where is he? He's underground, he can't do anything. Where is he? We're looking for you, where are you? Come out. Come out, where are you?" sabi ng isang rebeldeng sundalo.

Maraming sugatan ang ginagamot sa labas ng nag-iisang hindi nasirang ospital.

Hindi pa matukoy ang bilang ng namatay.

Patuloy namang hinihimok ni Gaddafi ang kanyang mga taga-suporta na labanan ang mga rebelde.

Dito sa Pilipinas, sinira naman ng mga Libyans ang litrato ni Gaddafi.

Ibinaba na rin nila ang kanilang bandila at itinaas ang bandila ng mga rebelde o National Transitional Council.

“It's game over for Mr. Gaddafi, it's game over," sabi ng consular counselor ng Libyan embassy na si Faraj Zarroug.

Ayon sa DFA, nagbigay na ang mga rebelde ng safe passage para sa mga OFW na pupunta ng Tripoli port para sa repatriation.

Nagbigay na din ng slot ang International Organization for Migration (IOM) para sa mga Pilipinong gustong sumakay ng barko.

Pero sa listahan ng DFA, 91 pa lang ang nagsabing babalik na ng Pilipinas.

“They have given us 400 boarding passes and we would like to use that. That's why we are campaigning and advising our people to use this opportunity to be repatriated," sabi ni DFA spokesman Raul Hernandez.

Mula sa pantalan ng Tripoli, Libya, bibiyahe ang barko papuntang Alexandria, Egypt.

Mula roon, gobyerno na ang gagastos para makalipad pabalik ng Maynila ang mga OFW.

Isa si Aling Perlita na umaasang sasama na sa mga lilikas ang kanyang kapatid na nagtratrabaho sa Tripoli.

Bagamat maraming bansa na ang sumuporta sa transitional council, ang Pilipinas, pinag-aaralan pa ang sitwasyong pulitikal doon, at saka pa lamang daw sila magdedesisyon kung kikilalanin na rin ng administrasyong Aquino ang ngayo'y mga rebeldeng grupo. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino