BMPM holds Christmas choir tilt

Posted at Dec 09 2011 11:35 PM | Updated as of Dec 11 2011 03:33 AM

Sa rehearsal pa lamang bago magsimula ang mismong kompetisyon, hindi bakas ang kaba ng limang choral groups.

Pagdating pa lamang sa mga hurado bigatin na: kilalang aktres sa teatro at telebisyon, Isay Alvarez; isang tenor at musical director ng Coro Tomasino, Ronan Ferrer; at ang big time belter ng bansa na si Frenchie Dy.

Ilan din sa mga Kapamilya stars na nakisaya sa kompetisyon sina Nyoy Volante, at ang “Pilipinas Got Talent” finalists Maasinhon Trio at Happy Feet.

Sa unang round, kanta lamang at wala munang choreography ang bawat grupo.
Pero mamarkahan pa rin sila sa temang Pasko, tamang tono, projection at galing ng pagtanghal.

Ang Chorus Vocales ipinarinig ang kanilang bersyon ng iba't-ibang kanta gaya na lang ng “Magniningning ang Pilipino.”

Gamit ang imahe ng Holy Family at parol, inawit ng GIST Cogeo Glee Club ang “One Small Child” at “Alleluia.”

Nagsimula naman sa tunog hayop hanggang bumirit ng “African Noel” ang Chorus Leviticus.

Bumirit din ang Catholic Youth Organization sa medley ng kantang “O Come All Ye Faithful.”

At ang panghuling grupo naman, ang Philippine Tesalonica na hinarana ang mga manonood sa masayang kanta na “Sabit-sabit sa Christmas.”

Sa pangalawang round naman, iba na ang naging labanan dahil may kasamang choreography na ang kanilang performance.

Hindi nawala ang biritan, indakan, kasuotan at props na talagang pinaghirapan ng mga grupo.

Hindi makakailang lahat ng grupo ganadong magtanghal para sa hangad na mabiyayaan ang kanilang napiling beneficiary sa pamamagitan ng kanilang tinig ng pagbabago para sa kompetisyong “Saya Para sa Kapwa.”

Ang nanalo ay ang Catholic Youth Organization.

Makakatanggap sila ng P30,000 at ang kagandahan nito ay matutupad pa ang pangarap ng kanilang beneficiary.