ABS-CBN News

Smokey Mountain kids play baseball

Posted at | Updated as of 09/24/10 6:03 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kahit isang dekada nang ipinasara, marami pa ring nabubuhay sa pamumulot ng basura sa Smokey Mountain. Karamihan sa mga bata dito, ito ang kinalakihan.

Pero sa likod ng bundok ng basura na ito, matatagpuan ang Field of Dreams Baseball Field.

Dito nag-eensayo ang mga batang miyembro ng Smokey Mountain Baseball Team. Ang mga dating mangangalakal ng basura at hindi nag-aaral, ngayon, player na at skolar pa sa mga paaralan.

Nabuo ang baseball field na ito sa tulong ng Gawad Kalinga at JCI Manila para bigyang pag-asa ang mga batang mahihirap.

“These kids really can dream of a better future not only because they play baseball but the fact that they are playing sports and they are active and they are staying away sa masamang bisyo,” ani Toby Claudio ng JCI.
   
Ang 13-taon gulang na si Leandro, nagkaraoon ng direksyon ang buhay nang mapasali sa baseball, napalayo sa mga masamang bisyo at ngayo’y pursigido sa pagtatapos ng pag-aaral para maging pulis.

“Para po mawala na 'yung mga nag-da-drugs po diyan. Para po matauhan sila,” dagdag ni Leandro. 

Maging ang kanyang ina, nakita ang malaking pagbabago kay Leandro.

“Dati po naglalaro lang siya, nakikipag-away sa kapwa bata, ngayon po hindi na, mas lamang yung activity niya sa GK,” anang ina ni Leandro. 

Sumasabak na sa iba’t-ibang kumpetisyon ang Smokey Mountain Basketball Team at hindi nagpapahuli sa ibang koponan.

Isa itong patunay na hindi hadang ang kapaligiran at kahirapan para mangarap. Sa sipag at talento ng Smokey Mountain Baseball Team, tiyak na masa-strike out nila ang anumang pagsubok sa kanilang buhay. –Gretchen Manalad, Patrol ng Pilipino.