Creative ways for Rizal awareness launched

Posted at Jun 19 2012 10:44 PM | Updated as of Jun 20 2012 06:44 AM

Sino nga ba si Dr. Jose Rizal sa paningin ng mga kabataan ngayon?

Kilala bilang bayani pero kapag tinanong na kung bakit naging bayani si Rizal at kailan ang kanyang kaarawan, hindi na nila alam.

Ang tila malabnaw na pagkakilala ng ilang mga kabataan ngayon kay Rizal ang dahilan kung bakit inilunsad ng Knights of Rizal ang paggamit ng social media para higit na ipakilala ang pambansang bayani sa mga kabataan.

Sa pagdiriwang ng ika-151 kaarawan ni Rizal ngayong araw, gustong hikayatin ng international group na Knights of Rizal ang mga kabataan na alamin ang buhay, mga turo at sinulat ni Rizal.

Sa kanilang website, puwedeng magtanong sa lahat ng bagay tungkol kay Rizal.

Maaari ring gamitin ang hashtag na #justlikerizal sa Twitter.

“Hindi lang to propagate, kailangang gayahin pa din, i-emulate at follow the teachings of Rizal,” sabi ni Reghis Romero II, supreme commander ng Order of the Knights of Rizal.

Si Department of Health Undersecretary Ted Herbosa na pamangkin sa tuhod ni Rizal, may panawagan din sa mga kabataan.

“Sa mga ibang quote niya, sabi niya kung gusto mong makatulong sa ating bansa, kailangan nasa Pilipinas ka,” sabi ni Herbosa.

Bilang pag-alala sa kaarawan ng pambansang bayani, nagbisikleta ang 151 pulis Laguna mula sa Luneta, papunta sa bantayog ni Rizal sa Calamba, Laguna.

Pinangunahan naman sa Maynila ni Mayor Alfredo Lim kasama ang mga kaanak ni Rizal at iba't-ibang pinuno ng ahensya ang pag-aalay ng bulaklak sa Luneta kaninang umaga. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino