'Tumaba ka?' Paano tumugon sa mga awkward na tanong

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 02:25 PM | Updated as of Dec 27 2017 02:45 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Karaniwang pambungad ng mga kaanak tuwing nagkakaroon ng sama-sama ang pamilya ang mga katanungang naglalayong mangamusta at magsimula ng pag-uusap.

Ilan sa mga halimbawa nito ang mga katanungan tulad ng "Bakit ka tumaba?", "May nobyo/ nobya ka na ba?" at "May trabaho ka na ba?"

Pero may mga pagkakataong nagiging mapamintas o mapanghimasok ang dating ng mga katanungang ito.

Ayon kay Sheila Viesca, isang dalubhasa sa komunikasyon, bunsod ang mga ganoong katanungan sa kawalan ng mga Pilipino sa konsepto ng "personal space" o hangganan ng pagpapalagayang-loob na ibinibigay sa mga kaanak at malapit na kaibigan.

"Ang mga Pilipino kasi sa isyu ng space, hindi tayo nagbibigay," ani Viesca sa programang "Sakto" ng DZMM. "Kaya 'pag nagtanong ka sa hitsura ng tao, pagdagdag ng timbang, parang balewala."

Nakaugalian na rin ng mga Pilipino ang pagiging sobrang malapit o bukas sa kapuwa hanggang sa puntong nawawalan na ng hangganan ang panghihimasok nang hindi namamalayan.

"'Pag naging malapit na sa’yo, pamilya na ang turing mo, na wala ka nang boundary, di mo naiisip [kung] nakaka-offend na ba," ani Viesca.

Nagbigay naman ng payo si Viesca kung paano tumugon sa mga mapamintas at mapanghimasok na katanungan.

Aniya, mahalagang isipin na wala namang masamang intensyon ang taong nagtatanong at nais lang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng tinatanong.

"Seseryosohin mo ba, pepersonalin mo ba? Karamihan naman sa mga nagtatanong sa atin, they’re well-meaning," ani Viesca.

Kung pabiro naman ang paraan o tono ng pagtanong, puwede ring sumagot ng pabiro upang magsimula ng maganda at nakatutuwang pag-uusap.

Iwasan umanong sumagot ng pabalang at panatilihin ang respeto, lalo na kung sasagot sa mas nakatatanda.

"Kung kaya mo i-enjoy, matuwa ka na lang kasi may malasakit sa iyo. Out of malasakit, kung ano-ano ‘yong nasasabi, or out of the need to want to welcome you," ani Viesca.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.