Paano makaiiwas sa 'atake' sa panahon ng handaan

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 04:32 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isa sa mga karaniwang sanhi ng pagkakaospital sa gitna o pagkatapos ng kapaskuhan ay dahil sa labis na pagkain at pag-inom.

Ayon sa mga doktor at eksperto, nakapagdudulot kasi ang hindi maingat na pagbabantay sa kinakain ng mga komplikasyon sa puso, atay, at bato.

Kaya nagbabala ang ilang nutritionist-dietitians na limitahan ang pagkonsumo ng pagkain sa mga handaan, lalo na iyong mga sagana sa taba at asukal.

"Wala naman talagang bawal, it’s actually portion control," ani Virgith Buena, chairperson ng Philippine Regulatory Commission-Board of Nutrition and Dietetics, sa panayam ng programang "Sakto" ng DZMM.

Ayon kay Buena, hindi masama ang pagkain ng mga karne at baboy, tulad ng lechon, subalit mabuting regulahin ito, at tanggalin ang mga bahaging nakasasama sa kalusugan.

"Sa lechon puwede pa rin naman pero usually tinatanggal ‘yong underneath the skin na taba ... [kasi] saturated fat. I-scrape mo lang and then get the lean portion na karne," paliwanag ni Buena.

Ang saturated fat ay nagpapataas ng kolesterol sa dugo, na nagiging sanhi naman ng mga sakit sa puso at stroke.

"Patikim-tikim lang, hindi 'yong kain ng isang kilo. Kung hindi puwedeng lechong baboy, [puwedeng] lechong manok [basta] tanggallin mo 'yong balat," ani Zenaida Velasco, pangulo ng Nutritionist-Dietitians’ Association of the Philippines.

Dagdag ni Velasco, iwasan din ang mga inihaw na pagkain, lalo na ang mga sunog at maitim na bahagi.

Mayroon kasi umano itong carcinogen na nagiging sanhi ng kanser.

Nagbigay din ng payo si Buena para maiwasan ang pagkain nang marami sa mga handaan.

Mas maigi aniyang unahin ang pagkain ng mga prutas at gulay bago ang ibang handa.

"Bakit pinapauana ko ang prutas at gulay? Para busog ka. So you lessen the carbohydrates, ‘yong ulam," ani Buena. 

Bagaman nakatutukso ang mga handaan sa kapaskuhan, mas mabuti na umanong magbawas-bawas ng kinakain, lalo na para sa mga maysakit at nagbabantay ng timbang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.