Mga tsuper, break sa pasada para sa 'limbo rock', hula hoop

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 01:49 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Time out muna sa pamamasada ang mga drayber ng iba't ibang pampublikong sasakyan para makiisa sa kauna-unahang "Tsuper Olympics" na idinaos sa Ynares Sports Arena nitong Linggo, Agosto 20.

Nagtagisan sa lakas at diskarte sa iba't ibang larong Pinoy ang mga tsuper ng jeepney, UV Express, at tricycle pati na kanilang operators para sa palarong inorganisa ng koalisyon ng mga drayber at operator.

Layunin nitong palaro na itaguyod ang disiplina sa mga tsuper.

Gaya ng ibang palaro, sumumpa ang mga kalahok sa "oath of sportsmanship" na ano't anupaman ang maging resulta ng laro, hindi nila dadalhin sa kalsada ang pagkabigo.

Kapag idinaan din daw sa init ng ulo ang paglalaro, maaaring matanggalan ng prangkisa ang manlalaro.

Unang nasubok ang mga "sweet lover" sa kanilang kakayahang mag-'limbo rock'.

Kung kinayang baliin ang katawan para hindi ma-out sa limbo rock, sunod na challenge naman ang sack race.

May ilang tsuper na halos di na umusad sa paglundag habang nasa loob ng isang sako.

Nasubukan din ang tibay ng mga kalahok sa paggiling. 

May patimpalak din kasi para sa mga pinakamatagal na makapagpapaikot sa baywang ng hula hoop.

Agaw-pansin ang isang kalahok na nag-hula hoop habang may suot pang mga gintong alahas.

Teamwork naman ang labanan pagdating sa hilahang lubid o tug of war.

Pinaka-enjoy na marahil ang mga manlalaro sa mainit na game ng patintero.

Mistulang nakikipagpatintero kaso sa traffic enforcers ang mga kalahok na todo iwas mahawakan ng kalaban.

-- Ulat ni Marc Logan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.