Bagong kambal ni Joel Cruz, ipinakilala

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 02:14 AM | Updated as of Aug 08 2017 02:34 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Ipinakilala ni Joel Cruz sa "Rated K" ang mga bagong miyembro ng kaniyang pamilya--ang bagong silang na kambal na sina Charles at Charlotte.

Sa pagdating ng kambal, naging anim na ngayon ang anak ni Cruz na may dalawa na ring naunang pares ng kambal.

"Na-realize ko na masayang maraming anak," kuwento ni Cruz.

Dagdag pa ni Cruz, 'biologically' ay magkakapatid ang kaniyang mga anak, kahit pa 'in vitro fertilization' ang naging paraan para mabuo sila.

Iisa rin lang naman daw kasi ang Rusong babaeng nagdala sa mga bata sa kaniyang sinapupunan.

Taong 1997 nang unang subukan ni Cruz ang in vitro fertilization.

At mukhang gusto pa ni Cruz na lalong lumaki ang kaniyang pamilya.

"One last program sa Russia. It's either 7, or 8 [ang magiging anak ko]. Kapag triplets, magiging 9," ani Cruz. "Enjoy na enjoy ko 'yong nangyayari sa buhay ko ngayon."

Nasanay rin kasi si Cruz sa malaking pamilya dahil pito silang magkakapatid na sobrang malapit din sa isa't isa.

Ngayon pa lang, itinuturo na ni Cruz, isang negosyante, ang kahalagahan ng pangangalaga sa negosyo para na rin sa panggastos nilang mag-anak.

Kahit naman maraming tungkulin sa hanapbuhay, tinitiyak ni Cruz na may panahon siya para personal na alagaan ang mga anak, kahit mayroon silang mga yaya.

Nakikipaglaro si Cruz sa mga bata at sabay-sabay rin silang nag-aalmusal.

Hiling niya lang ang mabuting kalusugan para makasama sa mahabang panahon ang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.