'Edible gardens', isinusulong para sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 01:44 AM | Updated as of Jul 11 2017 04:19 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isinusulong ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang pagtatayo ng 'edible gardens' para hikayatin ang mga Pilipino na kumain ng mas maraming gulay. 

Ayon sa survey ng ahensya, bumaba ang bilang ng mga Pilipino na kumakain ng gulay kumpara noong nakaraang dekada.

Lumalabas na noong 1978, nasa 145 grams ng gulay ang kinakain ng bawat Pilipino kada araw. Pero noong 2015, bumaba ito sa 123 grams kada araw.

Hinihikayat ng ahensya na magkaroon ng 'edible garden' na maaaring gawin sa mga bahay, opisina, at iba pang establisimyento sa urban area.

Ginawang halimbawa ng FNRI ang kanilang tanggapan sa Bicutan na kahit puro konkretong gusali, nahanapan nila ng lugar ang kanilang 'edible garden'.

Makalipas ng ilang buwan matapos nilang magtanim, handa nang pitasin ang mga gulay, herbs, at pati bulaklak na tumubo rito.

May mga tanim silang gulay tulad ng talong, kalabasa, sitaw, kangkong, lettuce, ampalaya, spinach, at herbs gaya ng basil, lemon balm, parsley at stevia.

Naibebenta rin nila ang gulay na sariwa at hindi ginamitan ng anumang kemikal na pampataba.

Ani Dr. Milflor Gonzales, project head ng 'edible garden', "'Yung pinili naming gulay na itatanim ay 'yung madaling tumubo, hiyang sa urban setting".

Bukod sa benepisyo sa kalusugan, makatutulong din umano sa kalikasan ang 'edible garden' dahil nakalilinis at nakaaaliwalas ng hangin ang mga halaman.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.