Filipino conjoined twins successfully separated

Posted at Nov 02 2011 09:55 PM | Updated as of Nov 03 2011 05:55 AM

Magkadikit mula sa dibdib hanggang tiyan, iisa ang atay at diaphragm at magkatabi lang na tumitibok ang kanilang puso.

Sa ganitong klaseng pamumuhay namulat ang 2 taong gulang na kambal na sina Angelina at Angelica Sabuco.

Kuwento ni Ginady Sabuco, “Si Icah talaga ‘yung talkative, tapos si Inah ‘yung tahimik.”

Ayon sa kanilang inang si Ginady, 7 buwan siyang buntis noon sa Pilipinas nang malaman niyang conjoined twins ang kanyang dinadala, bagay na nangyayari lamang minsan sa bawat 100,000 pagbubuntis. At sa bilang na iyan, 2 lamang sa bawat 10 ang nabubuhay.

“This is a big challenge for me, pero ang nagpapatibay sa akin, si God at saka ‘yung family ko. Nandiyan lang sila,” aniya.

Simula sa araw na ito, ibang mundo na ang haharapin ng kambal.

Pagkatapos ng 10 oras na operasyon sa Lucile Packard Children's Hospital sa Stanford, tagumpay na napaghiwalay sina Angelina at Angelica.

Ayon sa mga doktor, pinakakritikal na bahagi ng kanilang operasyon ang pagbibiyak ng kanilang atay dahil sa panganib ng matinding pagdurugo.

Kuwento ng lead surgeon na si Dr. Gary Hartman, “They are very resilient, and that’s been our experience with the other sets. My expectation is they will bounce back from this quite well.”

Mahigit 20 doktor ang lumahok sa operasyon.

Bago isinagawa ang surgery, nagbabala ang mga doktor na nakasalalay ang buhay ng kambal sa isa't isa. Kung mamamatay daw ang isa habang inooperahan, 'di rin daw kakayaning mabuhay ng isa pa.

Masusing binantayan ng mga mamamahayag ang istorya nina Angelina at Angelica dahil mahigit 20 pa lamang ang conjoined twins sa buong mundo na tagumpay na napaghihiwalay.

Sabi nga ni Dr. Hartman, “We have a determined mother here.”

Pasasalamat naman ni Ginady, "I thank God for everything. This is a dream come true. Words cannot express how the family feels for the successful separation of our twins."

Taong 2010 nang magpunta sa Amerika sina Ginady at ang kanyang mga anak, sa bisa na rin ng petisyon ng kanyang asawa.

Pinagtulungan ng kanilang mga kaanak ang paghahanap ng doktor na tatanggap sa kanilang kaso.

Isang mahabang peklat mula dibdib hanggang pusod ang magiging paalala kina Angelina at Angelica ng pinagdaanan nila. Para sa kanilang ina, ituturing niya itong marka ng himalang pinagkaloob sa kanila. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, Stanford, California