Filipino ship captain charged for NZ oil spill

Posted at Oct 12 2011 11:07 PM | Updated as of Oct 13 2011 07:07 AM

Nagkalat ang langis sa karagatan ng New Zealand matapos mahulog sa dagat ang may 70 drums ng langis na sanhi ng malawakang polusyon.

Sumadsad ang barkong VM Rina kamakalawa sa hilagang New Zealand sa gitna ng malakas na alon dulot ng masamang panahon.

Na-rescue na ang kapitan at crew ng barko na pawang mga Pilipino rin, pero 'di pa rin maalis ang karga nito na pawang mga langis at iba pang delikadong kemikal dahil sa sobrang lakas ng alon.

Nangangamba ang mga kinauukulan sa New Zealand na lalala pa ang tinawag nilang “worst environmental disaster” sa kanilang bansa.

Inaresto ang Pinoy na kapitan ng barko na nakilalang si Mauro Baulomanga, bagama't nakapagpiyansa na siya.

Sinisisi ng mga lokal ang kapitan sa disgrasya, pero tiniyak ng DFA na ligtas ang kapitan ng barko.

Ani DFA Undersecretary Raul Hernandez, "Our people there are very safe. The Mediterranean shipping company is taking care of them in an undisclosed location."

Ayon pa sa DFA, kailangan mamalagi pa sa New Zealand ang kapitan ng barko dahil may hearing pa ito.

Ayaw rin muna ipakita ng DFA ang litrato ng kapitan dahil sa kanyang kalagayan doon.

Giit ni Hernandez, "The ambassador sent the minister and consul who’s a lawyer to Kauranga, so that we could know for certain what is happening there, what is the situation of the captain, as well as the 17 Filipino crew members."

Nakatakda namang umuwi ng Pilipinas ang nalalabing 17 tripulante ng barko. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino