Pinoy hostage of Somali kidnappers freed

Posted at Jul 03 2012 10:41 PM | Updated as of Jul 04 2012 06:43 AM

Sa pakikipag-usap sa telepono kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, nagpasalamat nang husto si Ginang Katherine Costes matapos na ma-rescue ng pinagsanib na puwersa ng Kenyan military at Somali militia si Glen Costes kasama ang tatlong iba pang miyembro ng Norwegian Refugee Council sa kamay ng mga Somali kidnappers.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng concerned, nanalangin with us, sa lahat ng sectors na tumulong pag-rescue sa kanila,” sabi ni Costes.

Ayon sa OWWA, nakausap na rin ni Katherine sa telepono ang asawa niyang si Glen.

“Sinabi niya na maayos na, ligtas na sina Glen at kasama nga ‘yung iba pang na-kidnap. They are now undergoing medical evaluation,” sabi ni Dimzon.

Ayon naman sa DFA, nilipad na ng Kenya si Glen at hinihintay na lamang ang kanyang desisyon kung uuwi muna ng Pilipinas o babalik agad sa trabaho sa Kenya.

“Ngayon nagpapagaling na siya kasi nasugatan nga siya,” sabi ni Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA.

Tinamaan ng bala sa kanyang paanan si Glen matapos na sapilitang kunin ng mga Somali kidnappers kasama ang tatlo pang banyagang aid workers sa isang refugee camp sa Somali-Kenyan border.

Ayon sa DFA, walang binayad na ransom at nakapaglakad pa ng milya-milya si Glen Costes pabalik ng Kenyan border sa kabila ng kanyang kundisyon nang siya ay ma-rescue ng Kenyan military. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino