Filipinos share stories of survival from Joplin tornado

Posted at May 27 2011 09:57 PM | Updated as of May 28 2011 05:57 AM

Sa gitna ng pagluluksa para sa dalawang kababayang nasawi at sa kalunos-lunos na sinapit ng iba pang Pilipinong inabot ng buhawi sa Joplin, Missouri ay nandiyan pa rin ang mga pambihirang kuwento ng mga nakaligtas sa trahedya.

"Those walls were protecting us. Thank God. Thank God lang talaga. It's a miracle,” sabi ni Frank Herera, Pilipinong survivor.

Sa ika-35 kaarawan ni Herera, dinelubyo ang bahay niya.

Nawala ang malaking bahagi ng kanyang mga naipundar bilang occupational therapist dito sa America.

Pero buhay ang kanyang buong pamilya.

Kahapon, binalikan niya ang kanilang nasirang bahay para maghanap ng mga maisasalba pang gamit.

Nakuha niya ang kanilang Santo Niño relic at ilang bote ng vitamins ng kanyang anak.

Pinakita niya sa akin ang bath tub kung saan sila nagtago ng misis niyang nagdadalantao at kanilang anak na babae.

Sa itsura ng gumuhong apartment nina Lolo Pablo at Lola Liwanag Damaso, hindi mo iisipin kung paano pa sila nabuhay.

“Nagdadasal ako, hawak ko ang rosaryo ko. Pag-angat ko ng kamay kong ganoon, biglang may tumambad, si Mama Mary nga,” kuwento ni Lolo Pablo.

Ang tubong Cebu na si Ritchell Johnston ang charge nurse ng Green Briar Nursing Home nang humagupit ang buhawi noong Linggo ng gabi.

Tinipon nila ang mga pasyente sa hallway para mailayo sa mga bintana.

Dito na sila sabay-sabay na binagsakan ng buong gusali.

Nabuhay si Ritchell nang mapailalim sa bangkay ng kanyang kasama. Labindalawa sa kanila ang nasawi.

Sugatan man at puro pasa, nagawa pa niyang tumakbo pauwi ng bahay para hanapin ang kanyang pamilya bago bumalik sa nursing home para tulungan ang iba pang biktima.

Tinaguriang Filipino pioneers sa Joplin sina Enrico at Eden Esguera.

Ang pinapasukan nilang St. John Regional Hospital na isang 9-storey building ay tila pinasabugan ng bomba sa tindi ng pagkasira. Ted Regencia, Joplin, Missouri