Sympathy pours for electricity-burned OFW in Jeddah

Posted at May 05 2012 12:27 AM | Updated as of May 05 2012 11:00 AM

Sa Facebook ng BMPM, maraming Bayan Patroller na ang nananawagan para tulungan ang 52 anyos na si Alfredo Salmos, isang OFW sa Jeddah, Saudi Arabia na nalapnos ang katawan matapos makuryente habang nagtatrabaho bilang technician.

Kita sa video na hirap si Alfredo na magsalita at igalaw ang kanyang braso.

Kuwento niya sa BMPM, umeekstra lang siya sa isang pabrika nang mangyari ang aksidente. Sa ngayon, kinukupkop siya ng dalawang Indonesian domestic helper sa Jeddah.

“Hiling ko sa gobyerno natin na sana tulungan akong makauwi na. Tapos pangalawa po, humihingi po ako ng tulong. Nahihirapan na po ako eh,” sabi ni Alfredo.

Pinuntahan ng BMPM ang pamilya ni Salmos sa Nueva Ecija. Laking hinagpis ng ina at kapatid niya nang mapanood ang kanyang video. Kahit hirap sa buhay, gugustuhin pa rin daw nilang makasama si Alfredo.

“Sana matulungan naman ang kuya ko makauwi, kasi kahit paano po, gusto namin paglingkuran siya,” ani Epifania Colina, kapatid ni Alfredo.

Nakatutok na ngayon ang Philippine Consulate sa Jeddah sa kaso ni Alfredo. Sa record daw kasi ng Saudi government, hindi pa naayos ang tungkol sa isyu ng na-impound na kotse ni Alfredo at kanyang expired na resident visa.

“Ang konkretong hakbang namin, to make intense representation with the Saudi Government to treat this case as a humanitarian case,” sabi Leo Tito Ausan, consul sa Philippine Embassy sa Jeddah.

Hihingi rin sila ng tulong pinansyal sa Department of Foreign Affairs para mabayaran ang anumang penalty nang makakuha na ng exit visa at mapauwi na agad si Salmos. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino