Undercover 'asset' reveals drug smuggling in PH

Posted at Apr 07 2011 11:58 PM | Updated as of Apr 08 2011 01:02 PM

Hindi lamang ang pagiging drug mules ang nagiging papel ng mga Pilipinang biktima ng West African Drug Syndicate. 

Ibinunyag nina "Sheryl" at "Elsa" ang panggagahasa rin ng mga sindikato sa mga Pinay.

Noli De Castro (NDC): May nababalitaan kami noon na ang mga drug mule nating Pinay, hindi lang ginagawang girlfriend kung hindi may mga nari-rape pa.

Sheryl: Totoo po iyon. Base po sa aking experience po ‘yan. Kapag ikaw hindi ka marunong lumaban pupuwersahin ka talaga. Ako iyong passport ko tinatago ko sa dibdib ko. Kapag natutulog ako may katabi akong kutsilyo. Ang iba naman ay nagpapadala sa mga pangako ng mga miyembro ng sindikato.

NDC: Nagkaka-anak din ba sila (syndicates) sa mga babae na iyan?

Elsa:
Nagkaka-anak po sila.

NDC: Ibig sabihin nai-in love ang mga Pilipina?

Elsa: Karamihan po sa matatamis na pangako po nila na pinapalitan nila ng pera, shopping ka nila dito, gastusan ka nila dito. Ganoon po ang pang-akit nila.


Dahil sa ginawang pagsapi ni Sheryl sa sindikato, nahuli ang ibang miyembro na nag-o-operate sa Pilipinas at Asya.

NDC: Paano mo napahuli?

Sheryl: Kasi hindi po nila alam na pumapasok ako sa grupo ng sindikato. Hindi nila alam na undercover na pala ako ng PDEA.

NDC: Dito sa Pilipinas may napahuli ka?

Sheryl: Mayroon po. Tatlo po ang napahuli ko dito. Nigerian po, walang [Pilipino].

NDC: Sa abroad may napahuli ka ba?

Sheryl: Mayroon din po sa Malaysia, Thailand. at Hong Kong po, puro Nigerian po.


Ang mapanganib niyang ginawa na pasukin ang sindikato ng mga Nigerian ay nakatulong para sa nakakulong niyang kapatid sa China.

Sheryl:
Naging positive po lahat ng pinagpaguran ko. From the death row, ngayon po we are hoping na early this year or next year makakauwi na po siya. 


Sa mga sulat na ipinadala ng kapatid ni Sheryl, ramdam nila ang paghihirap na dinaranas nito sa loob ng bilangguan sa China.

Pero hindi pa tapos ang pakikipaglaban ni Sheryl sa mga sindikato.

Ibinunyag din niya na labas-masok ang droga sa Pilipinas.

Sheryl: Kasi po dito sa Pilipinas kapag ikaw Pilipino, hindi mo na kailangan din halughugin ang gamit ng kababayan natin. 

NDC:
Pilipino din ang nagpapasok dito sa atin?

Sheryl:
Opo kasi ito na ang pinaka-safe. Sa airport po, hindi po talaga nakikita sa airport natin.

May imbakan na rin ng droga sa Quezon City.

Sheryl: ‘Yong huling nahuli po namin, actually nakikipag-communicate pa rin po ang grupo nila na mayroon yata silang isang warehouse dito sa Quezon City. Doon po nila binabagsak ang drugs na galing sa South America.

Ayon pa kay Sheryl, posibleng hindi sana natuloy ang pagbitay sa 3 Pinoy sa China kamakailan. Ito ay kung sinuportahan lamang sila ng ating pamahalaan na inasahan nilang tutulong sa kanila. Abangan ang pagbubulgar tungkol dito bukas dito sa TV Patrol.