EXCLUSIVE: Pinoy drug mules on the rise in S. America

Posted at Apr 02 2011 08:32 AM | Updated as of Feb 07 2017 12:44 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Kauuwi lang ng Pilipinas ni “Japa,” hindi niya tunay na pangalan, mula sa mahigit isang taong pagkakakulong sa Rio De Janeiro sa Brazil dahil sa kasong drug trafficking.

Galing Thailand si Japa kung saan siya nakipagkita sa isang Nigerian at asawa nitong Pinay.

Doon siya kinausap at tinuruan kung paano maipupuslit ang dalawa't kalahating kilo na cocaine na nakalagay sa isang bag.

Sa Brazil niya ito kukunin bago tuluyang dalhin sa Spain at Hong Kong. Five thousand dollars ang bayad sa kanya.

Pero bago pa man makalabas ng airport ng Rio De Janeiro, nahuli na siya.

“If you will just say you’re guilty and show them how regretful you are, they will just give you the minimum sentence of one year and 11 months,” sabi ni Japa.

Habang nasa kulungan, pinagtrabaho siya bilang assistant to the director.

Dito niya nalaman na hanggang noong isang taon, may 50 Pinoy ang nasa iba't ibang kulungan sa Brazil dahil sa drug trafficking.

“Otsenta porsyento ng mga napiit, alam po nila ang ginagawa nila. They took the risk because alam naman po natin na lahat iyon ay dahil sa pera,” kuwento pa ni Japa.

Pero bago pa man tumungo sa Brazil si Japa ay nagtapat na ito sa akin noong 2008 na gusto niyang ibunyag ang sindikato gamit ang mga Pinoy bilang drug mules.

Sumulat din daw sya sa PDEA at NBI pero walang sagot mula sa gobyerno.

Ayon pa kay Japa, mula sa mga bansa sa South America, sa China at Vietnam ang "end target" o huling lugar na pagdadalhan ng droga.

Pero bago ito dalhin sa China o Vietnam, dinadala muna ang droga sa Pilipinas para dito i-repack.

“Nagiging international trade center ang ating bansa sapagkat mula pa lang po sa South America, dinadala po dito sa Pilipinas,” sabi pa ni Japa.

Dati rin niyang nakilala ang isang Prescy Evangelista na pinaghahanap ngayon ng awtoridad na recruiter umano ng binitay na Pinoy sa China na si Ramon Credo.

Nakilala raw niya ito sa Macau na nagbebenta ng mga "hot tickets" o murang ticket sa eroplano na nakukuha sa pamamagitan ng pag-hack sa Internet.

Nang mabuko ito, ayon kay Japa, lumipat siya diumano sa drug trafficking, ang operasyon ng sindikato na pinamumunuan ng mga Nigerian, Pakistani at mga Chinese financiers. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino