EXCL: DFA unable to screen Pinoys' fake docs in Sabah

Posted at Mar 27 2012 11:26 PM | Updated as of Mar 28 2012 01:41 PM

Magbibigay ng amnestiya ang lokal na pamahalaan ng Sabah sa mga iligal na manggagawa doon pero dapat may maipakita silang sapat na dokumento ng kanilang pagkatao.

Kaya't maraming mga Pinoy ang nagkukumahog sa pagkuha ng pasaporte. Karamihan kasi sa kanila ay iligal na nakapasok sa Sabah. Dumaan sila sa Zamboanga at Tawi-Tawi.

Isang grupo ng plantation workers ang dumulog sa kanilang agency para makakuha ng birth certificate na kailangan bago sila maisyuhan ng pasaporte. Ang problema, peke na mga birth certificate ang binigay sa kanila ng ahensya.

Si Petang Samon, 19, pero nakatatak sa inisyung birth certificate, 27 years old na siya. At nang ipakita ni Petang ang inisyu sa tatay na birth certificate, 24 years old lang ang edad ng tatay niya dito.

Ang mga nakausap ng ABS-CBN, iisa ang address – sa Tapul, Sulu. Pero wala ni isa ang may alam kung saan ang lugar na iyon.

“Kung mag-checking, ito bigay namin sa pulis, kung mali [mapapahamak kami],” sabi ng isang manggagawang Pinoy sa Sabah.

Nagbayad sila nang mahigit 250 ringgit o P3,500 sa Pinoy Resources, ang ahensyang kumuha sa kanila mula sa Pilipinas.

“Bakit ang lakas ng loob nila? Alam naman nila na ‘yung passport ay pag-aari ng Philippine government, hindi ng mga indibidwal,” sabi ni Susan Ople ng Ople Labor Policy Center. “Bakit kinakasangga pa nila itong mga nangangailangan ng passport para maging ligal dito sa Malaysia?”

Tinatanggi naman ng may-ari ng ahensya na si Juvie Ranjit na peke ang iniisyu nilang birth certificate.

“Whatever they tell us, we believe, and we write it down, and we send it out. And that’s it. When it comes back, then it comes back. We believe that’s true, and when they put it in the lie detector, nothing is fake, everything is real here," giit ni Ranjit.

Ang masaklap nito, tinatanggap ng DFA mobile passport team ang naturang mga kuwestyunableng birth certificate.

“What we see here is just the authentication. Kung makita namin na genuine ang papel, it doesn’t matter, kasi hindi namin kilala ‘yung mga taong ‘yan," sabi ni Angelo Mabini ng DFA.

Ngayon, hindi malaman ng mga manggagawang Pinoy ang kanilang gagawin.

Kung peke ang mga impormasyon na nilalagay sa pasaporte, malamang peke din ang naturang dokumento. Pero ang masaklap nito, mismong ang gobyerno ang nag-iisyu ng mga dokumentong ito. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino, Kota Kinabalu, Sabah