EXCL: Trafficked Pinays end up as Sabah prostitutes

Posted at Mar 27 2012 12:31 AM | Updated as of Mar 27 2012 11:42 AM

Kung titignan sa labas, hairdressing salon lamang ito.

Pero nang pasukin namin ang iskinitang ito sa Kota Kinabalu sa Sabah, nandoon ang ilang babae na nakalinya sa sofa at naghihintay na mapili ng customer. Lahat sila Pilipina.

Sa isang hotel pa rin, pinapasok kami sa isang kuwarto tsaka pinalinya ang ilang babae upang pagpilian ng akala nila ay mga customer na naghahanap ng panandaliang aliw.

Lahat din sila mga Pilipina.

Isang Pinoy ang manager nila.

Halagang 350 ringgit daw ang presyo ng bawat isang babae o halos P5,000.

Sa pagtatapat ni Joy (hindi tunay na pangalan) nakarating siya ng Kota Kinabalu nang walang pasaporte.

“Wala [akong pasaporte]. Actually kumpleto na ang papeles ko, kukuha naman talaga ako ng passport sa Philippine embassy,” sabi ni Joy.

“Halata masyado kung isang grupo ng kababaihan ang aalis so ang iba naka-schedule na ito sa eroplano, ito sa lantsa, ito sa kumpit. Tapos iba-iba ang drop off points nila and then may speedboat na susundo sa kanila kung saang isla bumagsak,” sabi ni Susan Ople ng Ople Labor Policy Center.

Pinili niya ang ganitong trabaho dahil gusto niyang malayo sa kanilang baryo.

“Ang hirap talaga sa Pilipinas. Kasi tatanda rin ang mga magulang ko. Gusto ko masuklian ang mga ginawa nila sa akin,” sabi pa ni Joy.

Pero si Juliet, niloko ng recruiter.

Pangako sa kanya ay maging waitress pero pagdating sa Sabah ay binenta sa may-ari ng prostitution house.

Nakatakas siya sa tulong na rin ng mga kapwa Pinoy.

Nasa pangangalaga siya ngayon ng Malaysian police pero nagkaroon na siya ng sakit dahil sa mga pilit na pinagawa sa kanya.

Gaya ni Joy, nakarating din siya sa Sabah nang walang papel.

Ilan lamang sina Juliet at Joy sa libu-libong mga Pinay na naging biktima ng human trafficking dito sa Sabah.

Matagal nang nangyayari ito pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari sa mga operasyon ng gobyerno para malabanan ang sindikato ng human trafficking. Henry Omaga Diaz, Patrol ng Pilipino, Kota Kinabalu, Sabah