Kin of OFW missing in Afghanistan seek help

Posted at Jan 05 2012 10:29 PM | Updated as of Jan 06 2012 06:29 AM

Napaiyak si Marcia Ramos habang ikinukuwento kay Ambassador Ricardo Endaya ang huli nilang pagcha-chat sa computer ng mister na si Mark bago ito nawala.

Si Mark ang OFW na umano’y dinukot sa Kandahar, Afghanistan.

Isang taon nang nagpapabalik-balik sina Marcia sa DFA pero ngayon lang daw sila hinarap ng isang opisyal.

Paliwanag ng DFA, kumplikado kasi ang kaso.

Kasabay kasi ng pagkawala ni Mark mula sa pinagtratrabahuhan na kumpanyang Copenhagen Contractors, nawala rin umano ang $100,000.

Kaya sabi ng kumpanya, “kidnap-me” ang nangyari.

Pero itinanggi ito ng pamilya ni Mark.

Lalo pa silang nag-panic nang kontakin sila ng mga kidnapper na nagpakilalang miyembro ng Taliban.

At pinadalhan umano sila ng video na ito ni Mark kung saan posibleng sinabuyan ng asido ng mga kidnapper ang mukha ni Mark.

Pinutulan din daw siya ng isang daliri dahil tumakas.

Fifty thousand dollars o P2 million mula sa pamilya at $1 million mula sa kumpanya ni Mark ang hinihingi umano ng mga kidnapper.

“Ang kinakatakot ko baka mawala na ‘yung kapatid ko eh, tuluyan na nilang gawan ng masama,” sabi ng kapatid ni Mark na si PO1 Edson Ramos.

Pero tiniyak ng DFA, hindi pinapabayaan ang kaso.

Umiiyak namang nagsusumamo ang mga kaanak ni Mark.

“Magmakaawa at magpasensya, baka sakaling maawa sila at tutukan nila this time,” sabi ni Marcia.

Mag-iisang taon na sa Enero 7 ang pagkawala ni Mark.

Panawagan ng pamilya, malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya at makabalik na siya sa kanilang piling. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino